top of page

Titans vs. Cargo Movers sa PVL, 'Pinas, nangwalis sa AVC Cup

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 11, 2023
  • 2 min read

ni Gerard Arce @Sports | July 11, 2023




Sa dalawang panalo ng Choco Mucho Flying Titans, lumipad paibabaw ang kahusayan ni Cherry Ann “Sisi” Rondina upang dalhin sa malinis na 2-0 kartada ang koponan upang magsilbing bagong pinuno pagdating sa opensiba at atake na mas kakailanganin ng husto upang pataubin ang wala ring talong F2 Logistics Cargo Movers sa tapatan ng bigating koponan sa Group B sa pagbabalik ng aksyon ngayong Martes sa 2023 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.


Kapwa naghahangad na makuha ang liderato sa kanilang hanay upang mas lumaki ang tsansa sa semifinal round, kung saan tanging top-two teams lang ang inaasahang aabante sa magkahiwalay na grupo na nakatakdang kaharapin ang dalawang guest team na Kurashiki Ablaze mula sa Yokohama, Japan at Kinh Bac Bac Ninh galing Vietnam.


Magtatapat ang Flying Titans at Cargo Movers sa pinakatampok na laro ng 6:30 p.m. na kukumpleto sa quadruple-header na binubuo ng paghaharap ng Petro Gazz Angels laban sa Farm Fresh (Pool B) sa pambungad na laro ng 9:30 a.m. na susundan ng Cignal HD Spikers at Foton Tornadoes (Pool B) sa alas-12:00 ng tanghali, habang magpapatuloy ang bakbakan sa hapon sa tapatan ng Akari Chargers at Chery Tiggo (Pool A) ng 4 p.m.


Naging mainit ang panimulang laro ng Flying Titans ng kapwa nitong walisin ang ang mga baguhang Farm Fresh sa 25-14, 25-7, 25-16 at Foton sa 25-19, 25-19, 25-14 na parehong pinagbidahan ng 26-anyos na one-time UAAP MVP at multi-awarded beach volleyball queen mula University of Santo Tomas Golden Tigresses.


Samantala, nanguna ang Philippine men’s national volleyball team sa Pool D nang talunin ang Mongolia sa five sets sa 2023 Men's Asian Volleyball Challenge Cup nitong Lunes sa Taiwan. Nanguna sa Pinoy si Marck Espejo at ginapi ang Mongolian counterparts, 22-25, 25-21, 26-24, 23-25, 15-12 upang tuluyang lupigin ang group D matapos unang talunin ang Macau noong Linggo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page