top of page

Tips para sa mahimbing na pagtulog sa gabi

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 10, 2023
  • 2 min read

ni Carlos S. Corpuz - OJT @Life & Style | April 10, 2023





Isa ka rin ba sa mga hirap matulog sa gabi? Hindi mapakali o maraming iniisip bago makatulog? Sabi nga nila, ang pagtulog ay nagbibigay ng iba’t ibang benepisyo sa katawan at isip ng isang tao. Pero paano kung ang pagtulog mo tuwing gabi ay hindi sapat at maayos? Ano kaya ang posibleng mangyari sa ‘yo?


Ayon sa isang pag-aaral, kung madalas ay kulang sa tulog ang isang tao, maaari itong magresulta ng maraming malalang problema sa kalusugan, tulad ng sakit sa puso, mataas na presyon ng dugo, diabetes, stroke, labis na katabaan, depresyon at marami pang iba.


Narito ang ilang puwedeng gawin para makatulog nang payapa at mahimbing tuwing gabi:


1. IWASAN ANG PAG-IISIP. Ikalma mo ang iyong isipan. Isa sa mga dahilan kaya hindi makatulog nang maayos ang isang tao ay dahil sa labis na pag-iisip. Kung ikaw ay may inaala o ikinakabahala, puwes, hindi sa oras ng pagtulog ‘yan ginagawa dahil imbes na ikaw ay antukin, ito ay magreresulta lamang ng iyong pag-o-overthink sa mga bagay.

2. IRELAKS ANG SARILI BAGO MATULOG. Maraming paraan para marelaks ang sarili bago matulog. Una, maligo para presko ang katawan. Pangalawa, magbasa ng libro habang umiinom ng gatas, at pangatlo, makinig ng mga relaxing music.

3. PATAYIN ANG ILAW. Ang madilim na paligid o kuwarto ay makakatulong sa pagkakaroon ng mahimbing na pagtulog. Ito ay dahil natutulungan nitong marelaks ang ating mga mata mula sa mga liwanag na nakikita sa mga ginagamit na gadgets.

4. IWASAN ANG PAG-INOM NG KAPE. Aminin natin, tayong mga Pinoy ay walang pinipiling oras o panahon sa pag-inom ng kape. Kaya kung nais mo na makatulog agad nang maayos, iwasan ang pag-inom ng kape sa hapon at gabi.

5. ‘WAG TINGIN NANG TINGIN SA ORAS. Iwasang tumingin sa orasan at itago ang cellphone. Sinasabing kapag tingin nang tingin sa oras, ikaw ay lalong mahihirapan makatulog dahil magdudulot ito ng stress sa iyo.


6. IWASAN ANG PAG-IDLIP SA HAPON. Ang pag-idlip sa hapon o tanghali ay maaaring makaapekto sa iyong pagtulog sa gabi, kaya ang pag-iwas sa gawaing ito ay makakatulong upang antukin nang maaga at makatulog sa tamang oras.

7. MAGDASAL BAGO MATULOG. ‘Ika nga, walang mas ikakapanatag ang loob mo kapag ikaw ay nagdadasal. Sa spiritual na paniniwala, ang pagdarasal ay nakakatulong sa pagkakaroon ng payapa at mahimbing na tulog sa gabi, dahil alam mo sa iyong sarili na mayroong gumagabay sa iyo sa oras ng iyong pagpapahinga.


Ang pagtulog ay paraan ng isang tao para makapagpahinga mula sa nakakapagod na araw ng kanyang buhay. Kaya ‘wag mong hahayaan na pati ang pagtulog ay maaabala pa ng kung anu-anong isipin, problema at distrakyon.


Ang mga nabanggit sa itaas ay pawang tips o paraan lamang sa pagkakaroon ng maayos at mahimbing na pagtulog. Ngunit nasa iyo pa rin kung paano mo didisiplinahin ang sarili sa tamang oras ng pag tulog. Gets mo?



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page