top of page
Search

ni Rohn Romulo @Run Wild | February 13, 2026



Kitkat Favia - IG

Photo: Kitkat Kitkat



Pinasaya ng singer-sexy comedienne at host na si KitKat ang kanyang mga fans sa isang Facebook (FB) post kung saan inamin niyang nagparetoke siya sa Montesa Aesthetics. 


Nagpa-botox siya sa noo at in-avail ang collagen stimulation na inilagay sa magkabilang pisngi. Instant ang effect dahil nawala ang kanyang mga eyebags.


Si KitKat din ang bagong ambassador ng Montesa Medical Group kung saan isinabay na rin ang contract signing noong Wednesday, February 11. 


Ang may-ari nito ay si Anna Marie Montesa, isa ring Mrs. Universe Philippines title holder tulad ni KitKat.


Sa video na kasama sa FB post ng mommy influencer/content creator, ani KitKat,


“Magpaparetoke ako! Ayokong ma-expire, kailangan lagi akong maganda, kaya magpaparetoke ako. Pasok mga bashers! Hahaha! Ang ganda-ganda ko. Naku! Lalo pa akong gaganda kasi magpaparetoke ako rito sa Montesa Medical Group. ‘Pag inggit, pikit.”

Dagdag pa niya, “Bashers, lalo akong gaganda, kaya sa mga bashers d’yan, stay pangit, beh!”


Mababasa rin sa kanyang Facebook post ang ginanap na contract signing:

“Another signed, sealed, and snatched moment for your girl at @montesamedicalgroup. Today I officially signed as the new ambassador of Montesa Medical Group, at siyempre, hindi basta-basta — Dr. Anna Montesa herself ang gumawa sa akin today! Buena mano pagka-sign ng contract, diretso agad sa treatment room. Ayoko ma-EXPIRE mga besh. Hahaha! Contract signing? (check emoji). Botox? (check emoji). Collagen stimulation? (check emoji). Freshness locked in? DOUBLE (check emojis).


“Sabi ko nga, habang may mga bashers na gigil na gigil kakahanap ng panget angle ko… eh ‘di lalo tayong magpaganda para mas manggigil sila. Public service na rin ‘to — para may pag-usapan sila. Hahaha!”


Super happy at thankful si KitKat sa ginawa sa kanya ni Dr. Anna. 

Aniya, “‘Pag may kontrata, dapat may kasamang maintenance. ‘Di puwedeng ambassador na haggard!”


Kaya ngayon, pasok na ang mga bashers!



HINDI pinalad ang pambato ng Pilipinas sa second edition ng Mr. and Ms. Chinatown Global. 


Kinoronahan sina Mr. Malaysia Ang Wei Yang at Ms. Canada Tyra Rosnuk sa Winners’ Night sa Smart Araneta Coliseum noong February 10.


Dalawampu’t tatlong kandidato mula sa 15 bansa ang naglaban-laban para sa titulo at karangalan bilang Mr. at Ms. Chinatown Global. 


Nagsilbing hosts sa coronation night sina Janeena Chan, Mr. and Ms. Chinatown Global Pageant Director Nicole Cordoves, Kevin Tai, at Marc Nelson.


Ang itinanghal na first runner-up ay sina Olivier Liu Xu (Switzerland) at Khaohom Seearamroongruang (Thailand). 


Sina Yi Fang Gao (Canada) at Belle Nanphasorn (Malaysia) ang 2nd runner-up.

Marami ang nadismaya na hindi nakapasok sa Top 12 ang panlaban ng Pilipinas, kahit na nakakuha naman sila ng special awards.


Narito ang list ng mga special awards:


Mr. & Ms. Friendship: Ang Wei Yang (Malaysia) at Rochelle Kirsten Canlas (USA)

Faces of Chinatown: Adrien Yaw Kan Tong at Estellina Ah-hon (Mauritius)


Best in Formal Wear: Olivier Liu Xu (Switzerland) at Monica Geronimo (Philippines)

Best Resort Wear: Olivier Liu Xu (Switzerland) at Monica Geronimo (Philippines)

Sponsor Awards:

Ms. Hotel101: Ang Wei Yang (Malaysia) at Christina Cai (Singapore)

Mr. & Ms. King Chef: Yi Fang Gao (Canada) at Christina Cai (Singapore)

Mr. & Ms. Gibi Shoes: Ang Wei Yang (Malaysia) at Monica Geronimo (Philippines)

Mr. & Ms. Youthful Confidence by Hana PH: Olivier Liu Xu (Switzerland) at Monica Geronimo (Philippines)

Mr. & Ms. Novodental: Aldrich Chen Perez (Philippines) at Khaohom Seearamroongruang (Thailand)


Congrats sa mga winners mula Malaysia at Canada!


 
 

ni Mabel G. Vieron @Special Article | May 1, 2024



Mga besh, bakit nga ba sa tuwing sasapit ang Valentine’s Day ay excited tayong i-celebrate ito, pero kapag Labor Day sa swimming o outing ang punta natin? Para saan nga ba ang Labor Day at bakit may ganito?


Ang Labor Day o Araw ng Manggagawa ay isang pagpupugay sa mga trabahador upang bigyan sila ng isang araw na pahinga. Isa ito sa naging solusyon upang maiwasan ang pag-aklas ng karamihang trabahador noong unang panahon.


Ito ay na-adopt natin sa Western countries na kung saan ito ay ipinagdiwang noong 1800’s sa bansang Canada na sinundan ng bansang Amerika.


Ang naging leader nito ay walang iba kundi si Peter McGuire, isang American-Irish pioneer unionist o mas kilala sa tawag na Father of Labor Day.


Ngayong Labor Day o Araw ng Manggagawa, deserved ng lahat ng nagpapakahirap magtrabaho para sa pamilya ang ipagdiwang ang araw na 'to. Tulad na lang ng ating magigiting na kapulisan na walang sawang tumutugon at tumutulong sa ating bansa anumang oras.


Kaya naman naisipan naming ikuwento sa inyo ang inspiring story ng isang magiting na pulis na si Leandro Sanchez Gutierrez.



Si Leandro Sanchez Gutierrez, 44-anyos, ay isang Police Lieutenant Colonel sa Sta. Cruz Police Station (PS3). Tuwing papasok daw siya noon sa eskuwelahan, lagi niyang nakikita ang mga nagpo-formation na kapulisan. At 'yun ang nagtulak sa kanya para ipagpatuloy ang kursong Criminology.


Para bang nakatadhana na sa kanya ang pagiging pulis, dahil nagkaroon din siya ng chance na makapag-exam sa Philippine National Police Academy (PNPA).


“Nag-exam ako roon. Luckily, nakapasa ako! Natapos ko ‘yun, kaya heto, officer na ako.


“Na-inspire ako sa mga pulis na 'yun, ang gaganda kasi nilang tumayo, matitikas ‘yung dating, tapos disiplinado talaga sila. Kaya mula noon, pinangarap ko na maging pulis. Kaya tinry ko hanggang sa na-reach ko na ang position na 'to,” pagbabahagi ni PLTCOL. Gutierrez.


At alam naman natin na ang buhay-pulis, laging nasa hukay ang isang paa. Paano nga ba niya hinaharap ang ganitong banta?


Ayon kay PLTCOL. Gutierrez, marami na siyang na-experience na iba’t ibang pakikipaglaban. Ngunit ang isa sa ‘di niya malilimutan ay noong mag-rescue sila ng kidnap victim sa Laguna.


“Pagpasok namin ng ka-buddy ko, hindi namin inaasahan na naka-ready na pala ‘yung kidnapper. So ang nangyari, pagpasok namin, pinutukan kami ng kidnapper. Actually, nakatutok sa akin, tinamaan ako sa vest. Nagulat ako nu'n, so ang ginawa ko, nag-react kaagad ako, ginantihan ko siya ng putok,” pagkukuwento niya.


Ang naisip umano niya nu'ng mga oras na 'yun ay kung wala siyang vest, paniguradong katapusan na niya. Pero, matagumpay pa rin nilang nailigtas ang biktima at nahuli ang kidnapper.


Walang sawang pasasalamat sa Diyos ang ginawa ni PLTCOL. Gutierrez matapos ang insidenteng 'yun.


Kung ang iba ay dumating sa time na gusto nang bitawan ang kanilang pangarap, ibahin natin siya, dahil kahit isang beses umano, ‘di sumagi sa kanya na talikuran ang kanyang serbisyo.


“Nakapokus ako, eh. Officer ako, ako 'yung example ng mga tao ko. I have to set influence on them. Kaya kailangan kapag sa trabaho, nakapokus ka lang. Hindi pupuwede 'yung parang maggi-give up ka o kaya susuko ka kasi tatamarin na rin 'yung mga tauhan mo,” ayon sa kanya.


Bilang pagpapakita ng dedikasyon sa kanyang propesyon, alam n'yo ba na kahit natutulog na itong si PLTCOL. Gutierrez, kapag may tumawag at sinabing emergency, agad-agad daw siyang pumupunta kahit na wala pa rin siyang gaanong pahinga at tulog.


Ganu’n kamahal ni PLTCOL. Gutierrez ang kanyang trabaho.


Samantala, binigyang-diin ni PLTCOL. Gutierrez na kung may mga tiwaling pulis na kahihiyan ng kanilang hanay, proud siya na mabuti siyang officer, kaya’t nakakapag-produce sila ng mga mabubuting pulis.


At bilang officer, isa rin siyang disciplinarian, lalo na ngayong nababahiran ng mantsa ang imahe ng mga kapulisan.



“Mahigpit ako sa mga pulis ko. Every day, pinapaalalahanan ko sila ng mga dapat at hindi dapat gawin. Maya’t maya ko silang ini-inform sa group chat namin, reminding the same reminders, hindi puwedeng gawin 'to, kapag ginawa n'yo 'to, makukulong kayo. Kapag ginawa n'yo 'to, ako mismo magpaparusa sa inyo. Kaya binabantayan ko sila,” buong-pagmamalaking ibinahagi ni PLTCOL. Gutierrez.


So far, wala pa naman umanong mabigat na naging kasalanan ang mga kapwa niya pulis, dahil na rin sa pagga-guide at pagpapaalala niya sa mga ito.


Ang palagi niyang sinasabi sa kanila, “Tingnan n'yo 'yung maliit na ginawa nila. Tingnan n'yo 'yung kapalit, kahihiyan. Kahihiyan ng pamilya n'yo, at puwede pa kayong mawalan ng trabaho [at] suweldo.”


Aware rin naman siya na mayroon talagang mga kapulisan na involved sa mga illegal activities. Ngunit kung ibe-base umano sa number, napakakaunti lang nila kumpara ru’n sa populasyon ng buong kapulisan.  Kaya ine-encourage pa rin ni PLTCOL. Gutierrez ang mga kabataan na nangangarap maging pulis.


“Try n'yo mag-exam sa mga other institution like Philippine National Police Academy, if you want to go on officer shift course, puwede kayong maging officer pagka-graduate n'yo. And sana, kapag pumasok kayo sa pagpupulis, ang intention n'yo talaga is to serve the country. Kasi 'yung mga napapanood natin sa pelikula na nagiging pulis iskalawag, 'di ba? Hindi ganu’n. Once you enter the police service, kailangan ang focus n'yo, ang goal n'yo is straightforward. Kailangan hindi kayo maging korup, at kailangan may takot kayo sa Diyos.”


Ilan lamang ito sa mga payo at mensahe na masasabi niya para sa mga kabataang nangangarap na mag-serve para sa ating bayan.


Kaya sa mga magigiting na kapulisan natin d’yan, ang inyong sipag at dedikasyon sa paglilingkod ang dahilan sa patuloy na pag-unlad ng ating bayan.

Kaya mula sa pahayagang BULGAR, saludo po kami sa inyo!


 
 

ni Mabel G. Vieron @Gulat Ka 'No?! | Abril 7, 2024



Panigurado marami sa inyo ang nag-outing at super nag-enjoy.


Nakakasiguro rin ako na marami sa inyo ang dumadaing ngayon dahil sa sunburn, hindi ba mga Ka-BULGAR? Pero, ano nga ba talaga ang sunburn at saan ito nakukuha?


Ang sunburn ay ang pamumula at pananakit ng balat. Kadalasang lumilitaw ito sa loob ng ilang oras pagkatapos ng sobrang pagkakababad sa ultraviolet (UV) light mula sa sikat ng araw.


Ang sunburn ay maaaring tumagal nang ilang araw o mas mahaba pa bago ito maglaho. Ang matindi at paulit-ulit na pagkakababad sa araw ay nagreresulta sa sunburn.


Ang kondisyong ito ay karaniwan at talagang kapansin-pansin lalo na sa panahon ng tag-araw o summer. Nagaganap ito kapag ang isang indibidwal ay nanatili ng mahabang oras sa ilalim ng sikat ng araw, kung saan ang radiation mula rito ay tumatama sa mismong balat na humahantong naman sa pagkasunog ng ibabaw na patong nito.


NARITO ANG ILANG MGA SINTOMAS NG SUNBURN;

● Pamumula ng balat

● Pagsakit at pangangati

● Pamamaga

● Sakit ng ulo, lagnat, pagduduwal at maaaring makaramdam ng pagkapagod kung ang

sunburn ay malubha.


PARA NAMAN SA QUICK REMEDIES, ITO ANG PARA SA INYO;


● Maaaring mabawasan ang pamamaga at kirot sa paggamit ng cold compress tulad ng tuwalya na binasa sa malamig na tubig at pagpahid nito sa mga apektadong bahagi ng balat.

● Siguraduhing mag-rehydrate sa pamamagitan ng pag-inom ng tubig, juice, o sports drink.

● Mag-apply ng aloe o over-the-counter moisturizing lotion sa balat as directed.

● Kapag maliligo na, gumamit ng malamig na tubig para matanggal ang chlorine, tubig alat

at buhangin sa inyong balat at upang maiwasan ang irritation.

● Uminom ng anti-inflammatory na gamot, tulad ng ibuprofen o aspirin.

● Kung may pamamaltos, hayaan lang ang mga ito at ‘wag butasin, dahil maaaring tumaas

ang panganib ng impeksyon kapag ito ay binutas.


Kahit na anong bahagi ng iyong katawan, tulad ng tenga, anit, o labi ay maaaring masunog. Maski ang mata ay maaari ring masunog dahil ito ay sensitibo sa liwanag ng UV light . Ngunit, magpakonsulta na sa doktor kung nakakaramdam na kayo ng mataas na lagnat, matinding pananakit, pagkahilo, pagduduwal at panginginig.


PARA MAIWASAN MA-DAMAGE ANG ATING BALAT, NARITO ANG ILANG TIPS NA PUPUWEDE N’YONG GAWIN;


● MAGLAGAY NG SUNSCREEN O SUNBLOCK. Pinoprotektahan ng sunblock ang balat laban sa UVA at UVB radiation na galing sa araw na siyang pumapatay sa skin cells.

● MAGSUOT NG SUMBRERO AT SUNGLASSES. Naitatago ng sumbrero ang parte ng katawan na hindi nababalot ng damit o nalalagyan ng sunblock. Magsuot din ng sunglasses na may 99% hanggang 100% UV absorption para sa proteksyon ng mata laban sa init ng araw.

● HUWAG MASYADONG MAGBABAD SA ARAW. Limitahan lamang ang pagbibilad sa initan.


Ilan lamang ito sa mga tips na maari n’yong sundin mga Ka-BULGAR! Ngunit, tulad nga ng sinabi ko, kung ‘di n’yo na ma-take ang sakit na dulot ng sunburn. ‘Wag na mag-hesitate pa at magpakonsulta na sa inyong doktor. Oki?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page