Tips para hindi mabiktima ng debit/credit card scams
- BULGAR
- Jul 3, 2021
- 3 min read
ni Fely Ng - @Bulgarific | July 03, 2021

Hello, Bulgarians! Iba’t ibang uri ng scam ang lalong nagiging mukhang “tunay” at “sopistikado,” ngunit mayroong mga paraan upang mapansin at maiwasan ang mga ito.
Ang BDO Unibank ay naglista ng anim na hakbang na makatutulong na panatilihing ligtas ang mga kliyente sa transaksyon gamit ang kanilang debit at credit cards:
1. Huwag kailanman ibahagi ang iyong One-Time PIN (OTP), card/account/reference number, o kaya ang three-digit CVV sa sinuman, kahit pa sabihin ng taong tumatawag na siya ay mula sa bangko. Ang tunay na mga empleyado ng bangko ay hindi hihingi ng mga kumpidensiyal na impormasyong ito.
2. Huwag i-verify ang iyong account sa pamamagitan ng pag-click ng link na ibinahagi sa email o text message. Ang mga link ay magbubukas ng isang website na gumagaya lamang sa opisyal na website ng bangko. Ang mga pekeng website na ito ay ginagamit upang nakawin ang iyong impormasyon. Ang BDO ay magbibigay lamang ng links para magbahagi ng impormasyong tulad ng card promotions. Kapag nakatanggap ng kahina-hinalang email, ang payo ng BDO ay ipadala ang mga ito sa ReportPhish@bdo.com.ph.
3. Mag-transact lamang gamit ang BDO Digital Banking app o BDO Pay. Kung gumagamit ng web browser, i-type lamang ang online.bdo.com.ph sa address bar upang ma-access ang BDO Digital Banking account. Tandaang hindi kailanman hihingin ng BDO ang kliyente na mag-log in sa kanilang Digital Banking account gamit ang link.
4. Kung may mapansin ang BDO na kahina-hinalang transaksiyon, ito ay magbibigay-abiso tungkol sa nasabing transaksiyon sa registered mobile number ng cardholder. Gamit ang lehitimong sender ID — BDO-Alert — ang bangko ay magbibigay-halagang sisingilin sa debit o credit card pati na rin ang merchant kung saan binili ang item. Ang cardholder naman ay kakailanganing i-verify ang transaksiyon sa pamamagitan ng text message.
Kung ang cardholder ay hindi ang mismong gumawa ng transaksyion, sila ay pinapayuhang tumawag sa BDO Customer Contact Center Hotline sa (02) 8631-8000 o magpadala ng message sa BDO Customer Care na mayroong blue verified checkmark sa Facebook Messenger.
5. Bago bumiyahe abroad, pinaaalalahanan ng BDO ang mga kliyente na i-check ang available credit card limit nito at abisuhan ang bangko kung gaano katagal silang mawawala. Sa pamamagitan nito, magagawang patnubayan ng bangko ang kanilang mga transaksiyon sa ibang bansa. Gayunman, bilang dagdag-proteksiyon, ang bangko ay maaaring magpadala pa rin ng text message o tumawag upang i-verify ang mga transaksiyon.
6. Ang mga cardholder ay mayroong opsyon na i-lock o i-unlock ang kanilang mga debit at credit card gamit ang BDO Digital Banking upang pamahalaan ang kanilang mga transaksiyon. Kapaki-pakinabang ang function na ito kung sakaling mawala ang kanilang cards. Kung mayroon namang kahina-hinalang transaksiyon, pansamantalang ila-lock ng bangko ang card ng kliyente.
Para ma-reactivate ang isang na-lock na card, maaaring gawin ang isa sa mga ito: gamit ang opisyal na website ng BDO (i-click ang “Cards,” Credit Cards,” “Card Services,” pagkatapos ay “Activation”) o sa pamamagitan ng BDO Digital Banking mobile app (i-click ang “More,” “Security Management,” pagkatapos ay i-slide ang toggle button para ma-unlock; hintayin ang OTP at itala ito upang kumpirmahin). Ang mga cardholder ay maaari ring i-text ang UB YES <reference number> sa 225678 o tumawag sa hotline na (02) 8702 6888.
Ang BDO ay patuloy na pinapayuhan ang mga cardholder nito na maging maingat at protektahan ang mga sensitibong impormasyon upang maiwasang mabiktima ng mga scam na ito.




Comments