Tinuluyan ng DA sa Ombudsman... P94M ‘ghost farm-to-market roads’ vs. DPWH officials
- BULGAR

- 10 hours ago
- 1 min read
ni Jeff Tumbado @News | May 22, 2026

Photo: Francisco Tiu Laurel Jr. = Department of Agriculture - Philippines
Personal na naghain ng reklamo sa Office of the Ombudsman si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. laban sa ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ilang pribadong kontraktor kaugnay ng umano’y “ghost farm-to-market road projects” sa Davao Occidental na nagkakahalaga ng P94 milyon.
Walong kaso ang isinampa laban sa anim na opisyal ng DPWH, kabilang ang mga district at project engineers, gayundin sa walong private contractor sa lalawigan.
Kaugnay umano ito ng mga ghost projects na farm-to-market roads na pinondohan sa ilalim ng 2021 national budget.
Sinabi ni Laurel na personal niyang ininspeksyon ang mga lugar na sakop ng mga reklamong isinampa, bagamat hindi pa agad isinapubliko sa media ang kopya ng reklamo.
Dagdag pa ng kalihim na may mga dirt road umano sa lugar ngunit walang sementong kalsada, bakal, o anumang indikasyon na may aktuwal na proyekto.





Comments