top of page
Search
  • BULGAR

Tinuloy ni Pelosi ang pagbisita sa Taiwan

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | August 7, 2022


Habang patuloy ang digmaan sa Ukraine, may isang lugar na binabantayan din ng buong mundo dahil maaari ring mauwi sa karahasan. Noong Martes, lumipad ang eroplano ni US House Speaker Nancy Pelosi mula Malaysia patungong Taiwan. Binantayan ng marami ang pagbiyahe ng eroplano. Maraming website, kung saan makikita ang biyahe ng nasabing eroplano. Dumaan ang eroplano sa silangang bahagi ng Pilipinas imbes na dumaan sa mas maiksing biyahe sa South China Sea para maiwasan ang anumang pagbanta ng China. Binantayan ang eroplano dahil sa mga banta ng China na kapag itinuloy ni Pelosi ang pagbisita sa Taiwan ay mananagot ang Taiwan at mas mapapasama ang relasyon ng Amerika at China. Hindi raw mananahimik lang ang militar ng China at kung anu-ano pang pagbabanta.


Ang pagbisita ni Pelosi ang unang isinigawa ng US House Speaker sa loob ng 25-taon. Ang huling bumisita ay si Newt Gingrich noong 1997. Hindi kinikilala ng Amerika, lalo na ang China, ang independensiya ng Taiwan pero isa itong malakas na kaalyado nila. Ang pagbisita ni Pelosi ay tila mensahe na matibay ang kanilang relasyon at magpapatuloy ang pangako ng Amerika sa Taiwan na hindi ito pababayaan kung sakaling mauwi sa hindi magandang pangyayari.


May mga barkong pandigma ng Amerika ang bumabaybay sa South China Sea para protektahan din ang biyahe ni Pelosi at kung anu-ano pang masamang nangyari dahil sa pagbisita. Lumipad ang ilang eroplanong pandigma ng China sa karagatan sa gitna ng dalawang bansa kaya nagpalipad din ang Amerika ng mga eroplano nila mula Japan. Ganito ang eksena noong Martes.

Nakaalis na si Pelosi at nagtungo sa South Korea. Ang ginawa naman ng China ngayon ay nag-live-fire exercises sa buong paligid ng Taiwan. Pananakot, kung tatanungin ninyo ako. Mukhang napikon nang husto ang China sa ginawang pagbisita ni Pelosi. Wala namang ginawa ang China sa kabila ng maaanghang na pagbabanta sa Amerika. Hindi rin tayo naniniwalang magsisimula ng digmaan ang China sa Taiwan kung alam na kikilos din ang Amerika para ipagtanggol ang maliit na bansa.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page