Tinanggihan, Korina at Julius kumasa… KA TUNYING: SARAH DISCAYA, KUNG NAINTERBYU KO, MAY P10 MILYON NA AKO!
- BULGAR
- 1 hour ago
- 3 min read
ni Janiz Navida @Showbiz Special | December 11, 2025

Photo: File Interview / Senate PH
Nakakabilib at happy kami para sa success ng mag-asawang Anthony at Roselle Taberna.
Natatandaan pa namin, 3 o 4 pa lang yata ang branch ng kanilang Ka Tunying's Cafe nang ma-exclusive interview namin sila noon para sa YouTube channel ng BULGAR bago nag-pandemic.
After 10 yrs., aba’t may Taberna Group of Companies na pala kung saan hindi lang branches of Ka Tunying's resto ang meron ang mag-asawa kundi may Kumbachero
commissary na rin sila at Outbox Media Powerhouse Corp. na nagpo-produce ng mga digital shows and events.
But when asked if balak pa nilang mapabilang sa mga richest in the Phils., inamin ni Ka Tunying na maraming opportunities dahil puwedeng-puwede pa silang mag-expand all over the Phils.
Pero ang napag-usapan daw ng mag-asawa, ano ba ang goal nila sa buhay – maging super rich pero mawalan naman ng quality time sa kanilang pamilya o makuntento na lang basta nakakapamuhay naman sila nang sapat at nakakapagbigay na nga ng kabuhayan sa kanilang 200 employees.
At ‘yun nga ang napag-usapan nina Mr. & Mrs. T (tawag sa power couple), mas importante ‘yung may contentment sila.
Samantala, dahil ngayon lang uli namin nakapanayam si Ka Tunying sa ibinigay nilang thanksgiving sa mga press people, social media content creator and business partners na ginanap kahapon sa Cities Events Place, ipinalinaw na namin sa kanya ang isyu kung bakit siya idinadawit sa kontrobersiyal na mag-asawang Sarah at Curlee Discaya.
Diretso namang sinagot at inamin ni Ka Tunying na naging ambassador siya ng isang kumpanya ng mag-asawa before the pandemic.
During that time, wala pang mga isyung ibinabato sa Discaya couple at pinag-aralan naman daw mabuti ni Ka Tunying ang offer at inalam ang background ng kumpanya ng mga Discaya.
Dahil malaki raw ang bayad bilang endorser at nangangailangan siya that time ay tinanggap naman niya.
Pero nu'ng alukin siya na interbyuhin ang mag-asawa at i-feature sa kanyang show bago mag-eleksiyon, tinanggihan na niya ito dahil hindi naman daw ito ang forte ng kanyang show at parang nakatunog na nga siya na may balak tumakbo sa Pasig si Sarah Discaya bilang mayor kalaban ni Mayor Vico Sotto.
Pabirong hirit ni Ka Tunying, “Mabuti tinanggihan ko. Kung nainterbyu ko ‘yun, di may P10 milyon na ako,” kaya nagkatawanan ang press lalo't sabi niya ay bibigyan niya ng tig-iisang milyong piso. Hahaha!
Kung matatandaan, ‘di nga ba't nag-umpisang makalkal ang tungkol sa flood control scandal nang ibulgar ni Pasig Mayor Vico Sotto na bayad diumano ng P10 milyon ang panayam sa mag-asawa kung saan na-feature ang Discaya couple sa mga programa nina Korina Sanchez at Julius Babao.
Pero nilinaw naman ni Ka Tunying na wala siyang sinasabi na nagbayad talaga ang mag-asawa, ‘yun nga lang daw ang balita at pakiusap niya sa lahat, mag-ingat sa paniniwalaan dahil ang daming fake news ngayon.
Anyway, congrats Mr. and Mrs. Taberna and more success to come!
NAKAKATUWA naman ang young CEO ng Purple Hearts na si Love Kryzl na siyang umawit din ng kantang Kayong Dalawa Lang sa music video nina Kiray Celis at Stephan Estopia na nag-viral recently.
Inglesera ang bagets at the age of 9 at matalinong sumagot, parang dalaga na.
Nakapag-guest na pala siya sa It's Showtime kaya na-meet ang mga hosts nito. Idol daw niya si Anne Curtis na nang tanungin namin kung paano niya ide-describe, aniya, “She has a beautiful voice.”
Naku, for sure, super happy si Anne ‘pag nalaman ‘yan.
But in fairness kay Love Kryzl, maganda rin ang boses nito at mas naging romantic ang music video nina Kiray at Stephan dahil sa kanyang Kayong Dalawa Lang song.
Regalo ni Love Kryzl kina Kiray at Stephan, na balitang sa Dec. 13 na ang kasal, ang Kayong Dalawa Lang.
Gaganap ding little bride ang Purple Hearts CEO sa kasalang Kiray-Stephan kaya abangan ang susuotin ni Love Kryzl.




