top of page

SERYE NI COCO SA TV5, HANGGANG JANUARY NA LANG DAW

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 30 minutes ago
  • 2 min read

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | December 11, 2025



TEKA NGA - SERYE NI COCO SA TV5, HANGGANG JANUARY NA LANG DAW_IG _ccmfilmproduction

Photo: File / Batang Quiapo



Balitang hanggang Enero 2026 na lamang mapapanood sa TV5 ang FPJ’s Batang Quiapo (BQ) na pinagbibidahan ni Coco Martin. Kaya isa-isa nang pinapatay ang mga tauhan dahil magtatapos na ang kuwento. 


Noong una, sabi ay sa Pebrero o Marso pa magpapaalam sa mga viewers ang BQ. Pero dahil tinapos na ng TV5 ang kanilang partnership sa ABS-CBN, mahihinto na ang mga programa ng ABS-CBN na umeere sa Kapatid Network.


Tiyak na maraming veteran stars ang malulungkot sa pamamaalam ng action serye sa ere. 


In fairness, maraming artista ang natulungan ni Coco Martin at binigyan ng exposure sa BQ tulad nina Janice Jurado, Deborah Sun, Myrna Castillo, Pen Medina, atbp..

Si Myrna ay muling napanood sa telebisyon. Tatlong taon din siyang naging bahagi ng serye.


Marami ang nagtatanong kung papaano na kaya si Coco Martin kung wala na siyang regular TV show?


Well, hanggang sa pelikula na lang ba siya mapapanood? Kunin kaya siya ng GMA Network? Puwede naman siyang mag-produce ng sarili niyang serye at maging blocktimer sa Kapuso Network.



Napapanahon ang bagong awitin ni Imelda Papin na Pilipino Ako, na composition ni Mon del Rosario. Akmang-akma ito sa mga kaganapan ngayon sa ating bayan. 

Inilarawan ng kanta ang mga katangian nating Pilipino na hindi nagpapatalo sa mga pagsubok at may matatag na paninindigan.


Akmang-akma kay Imelda ang bago niyang awiting Pilipino Ako na ini-launch sa Tanghalang Pasigueños at dinaluhan ng iba’t ibang sektor ng lipunan. All-out din ang ipinakitang suporta ng mga tagahanga niya.


At dahil certified na Marcos loyalist si Papin, hiningan siya ng press ng kanyang mensahe sa pinagdaraanan ngayon ng Pangulong Bongbong Marcos (PBBM). 

Sey niya, ipagdarasal niya ang pangulo na makayanan ang mga problema at pagsubok na kanyang kinakaharap ngayon. 


Alam niyang kakayanin ni PBBM ang lahat dahil isa itong mabuting tao at matibay ang paninindigan.



SA ginanap na early Christmas get-together with the entertainment press, maingat si Sen. Lito Lapid sa pagkokomento sa mga pulitikong sangkot sa anomalya ng flood control projects. Umiiwas na rin siyang pag-usapan ang dating tsismis sa kanila ni Lorna Tolentino.


Ang kanyang mga charity works at pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo at baha ang kanyang prayoridad. Dahil marami rin siyang naipasang bill sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang senador, marami ang nagsasabing kwalipikado na siyang tumakbo sa mas mataas na posisyon.


Kung dati-rati ay nilalait at pinagtatawanan siya dahil hindi nakapagtapos ng kolehiyo, pinatunayan ni Sen. Lapid na isa siyang silent worker. Hindi niya ikinahiya ang kanyang kakapusan sa pagsasalita ng English. At hindi man siya sumasali sa pagtalakay sa mga seryosong problema ng bansa, nararamdaman naman ng marami ang kanyang tapat na pagtulong.


Ayaw pangunahan ni Sen. Lito Lapid ang kanyang magiging kapalaran sa larangan ng pulitika. Hindi naman niya iiwanan ang pagiging public servant kapag naramdaman niya na kailangan pa ang kanyang serbisyo at suporta. Puwede naman siyang bumalik sa dati niyang puwesto noon sa kanilang lalawigan sa Pampanga. 


Three-term siyang naging mayor ng Porac, Pampanga, at three-term din siyang nahalal na gobernador ng Pampanga. Subok na ang kanyang dedikasyon bilang public servant.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page