Tinamaan ng COVID, may benefits at medical assistance pa rin
ni Ryan Sison @Boses | September 26, 2023
Sa kabila na inalis na ang state of public health emergency sa bansa, batay sa Proclamation 297 ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. noong July 21, 2023, maaari pa ring maghain ng sick leave at iba pang medical benefits ang mga empleyado na tatamaan ng COVID-19, ayon sa Department of Labor and Employment.
Payo ng DOLE sa mga employers at employees na magkasundo na lamang sa probisyon ng sick leave benefits, access sa medical insurance coverage at sa iba pang assistance habang nasa isolation ang isang empleyado.
Hinimok pa ng ahensya ang mga employer na magkaroon din ng paid leave para sa COVID-19 vaccination at iba pang benepisyo, maliban kung mayroong mas paborable silang umiiral na mga company policies, rules and regulations, at probisyon ng collective bargaining agreement.
Binigyang-diin naman ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma na para matiyak ang kaligtasan at healthy working conditions ng kanilang mga empleyado, dapat i-promote pa rin ng mga employer ang pagbabakuna o COVID-19 vaccination sa mga ito, kabilang na rin dito ang mga contractors’ deployed workers at kanilang mga pamilya.
Subalit aniya, sakaling tatanggi ang mga empleyado na magpabakuna ay hindi sila dapat makaranas ng diskriminasyon lalo na pagdating sa terms of tenure, promotion, training at iba pang benepisyo, o kaya ay i-terminate ang kanilang employment.
Inatasan din ng DOLE ang lahat ng kumpanya na mag-report kung may mga kaso ng COVID-19 sa kani-kanilang lokal na pamahalaan at magsumite ng annual medical reports sa ahensya.
Good news para sa mga manggagawa na puwede pa rin silang makatanggap ng sick leave benefits at iba pang medical assistance sakaling tamaan ng COVID-19.
Batid naman natin na kahit nabawasan na ang naitatalang kaso nito ay mayroon pa ring nadadale ng naturang sakit dahil sa wala pa rin talagang nadidiskubreng gamot laban sa COVID-19.
Pero kung may ganitong ginagawang tulong ang gobyerno, malaking ginhawa ito sa mga empleyado maging sa kanilang mga pamilya.
Sana ay palaging magpatupad ng kapaki-pakinabang na programa ang mga kinauukulan para sa mga mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments