top of page

Thunder ginisa agad sa West Finals ang T'wolves

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 day ago
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 22, 2025



Photo: Kapuna-punang nakalalamang sa atletismo ang Oklahoma City Thunder sa pangunguna ni Shai Gilgeous Alexander kaysa sa Minnesota Timberwolves sa Game 1 ng Western Conference Finals kahapon. (nba.com)


Bumomba ng todo ang numero unong Oklahoma City Thunder sa huling dalawang quarter upang mabigo ang bisitang Minnesota Timberwolves, 114-88 sa Game 1 ng 2025 NBA Western Conference Finals kahapon sa Paycom Center. Walang ipinakitang kapaguran ang OKC na kagagaling lang sa malupit na 125-93 Game 7 panalo laban sa Denver Nuggets noong Lunes. 

      

Tumalon ang Timberwolves sa 47-38 bentahe bago ang huling minuto ng 2nd  quarter sa likod ng 12 puntos ni Anthony Edwards. Tinabasan nina Shai Gilgeous-Alexander, Jalen Williams at Isaiah Joe ang agwat para lumapit, 44-48 at bitbitin ang bagong-tuklas na lakas sa 3rd quarter.

        

Doon na rumatrat ng 12 si SGA at dumagdag ng 9 si Williams upang maagaw ang lamang at lumayo papasok ng huling quarter, 76-66. Hindi na nagpreno ang Thunder at ang huling talaan ay siya ring pinakamalaking bentahe ng laro. 

       

Pinangunahan ni SGA ang lahat sa kanyang 31, ilan dito laban sa depensa ng kanyang pinsan Nickeil Alexander-Walker. Sumuporta si Williams na may 19 at Chet Holmgren na may 15. 

       

Nalimitahan si Edwards sa 18 lang subalit mas malaking dagok ang hindi niya pagpuntos sa huling quarter. Nanguna sa Minnesota si Julius Randle na may 28. 

      

Magbubukas ang East Finals ngayong Huwebes sa pagbisita ng Indiana Pacers sa paboritong New York Knicks. Maliban sa bentahe na paglalaro sa tahanan ng Madison Square Garden, tinalo ng Knicks ang Pacers sa dalawa ng tatlo nilang tapatan ngayong taon. 

       

Huling nakapasok ang Knicks sa East Finals noong 2000 kung saan tinalo sila ng Pacers sa anim na laro. Inabot ng 25 taon bago mabigyan ang New York ng pagkakataon na bawian ang karibal na matapos ang serye ay tinalo ng Los Angeles Lakers sa Finals, 4-2. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page