The Jays, Ayton, Alvarado at Davis, mga mababangis
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 6, 2022

Ibang klaseng bangis ang ipinamalas ni Anthony Davis ng Los Angeles Lakers at nagsumite ng higanteng numero sa 130-119 panalo sa Washington Wizards sa NBA kahapon mula sa Capital One Arena. Dumagdag din ng panalo ang numero unong Boston Celtics sa Brooklyn Nets, 103-92.
Nagtapos si Davis na may 55 puntos at 17 rebound. Kasunod ito ng kanyang 44 puntos at 10 rebound sa 133-129 tagumpay sa Milwaukee Bucks noong isang araw. Umabot ng 29 ang lamang ng Lakers sa third quarter, 83-54, at hindi sila nameligro mula doon.
Sinuportahan si Davis nina LebBron James na may 29 at Lonnie Walker IV na may 20 puntos.
Sa first quarter lang nakasabay ang Nets sa mga bisita at mula roon ay tuloy-tuloy ang arangkada ng Boston. Malupet talaga ang “The Jays” at gumawa ng 34 puntos at 10 rebound si Jaylen Brown at 29 puntos at 11 rebound si Jayson Tatum para sa kartadang 19-5 panalo-talo.

Patuloy ang pagpapasikat ng Phoenix Suns sa Western Conference kahit hindi naglaro sa ika-13 sunod na beses si Chris Paul dahil sa masakit na sakong at binigo ang San Antonio Spurs, 133-95. Double-double si Deandre Ayton na 25 puntos at 10 rebound at tig-20 puntos sina Mikal Bridges at Devin Booker.
Humahabol sa Suns ang New Orleans Pelicans na pinadapa ang bisitang Denver Nuggets, 121-106. Pumukol ng walong three-points ang reserbang si Jose Alvarado patungo sa 38 puntos na pinakamarami sa kanyang dalawang taon sa NBA at sinuportahan ni Zion Williamson na may 25 puntos para sa ika-apat na sunod na panalo na pinakamainit sa NBA ngayon.
Nanatili din ang agwat ng Memphis Grizzlies sa karera sa West at binaon ang kulelat sa East na Detroit Pistons, 122-112.





Comments