top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Thailand, pinaamo ang Azkals sa AFF Cup

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 16, 2021
  • 1 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 16, 2021





Nagtala ng dalawang goal ang alamat na si Teerasil Dangda upang buhatin ang Thailand sa makapigil-hiningang tagumpay kontra sa Pilipinas, 2-1, sa pagpapatuloy ng 2020 AFF Suzuki Cup sa National Stadium ng Singapore Martes ng gabi. Dahil dito, dalawa na ang talo sa tatlong laro at hindi na makakabalik ang Azkals sa semifinals ng torneo matapos pumasok ng apat na beses noong 2010, 2012, 2014 at 2018.

Ang 33-anyos na si Dangda na ang bagong may hawak ng karangalan na may pinakamaraming goal sa kasaysayan ng Suzuki Cup na 18. Nakuha niya ang bagong marka matapos ipasok ang unang goal sa ika-26 minuto upang lampasan ang 17 ni Noh Alam Shah ng Singapore.


Pumalag ang mga Pinoy at pinantay ni Patrick Reichelt ang iskor sa 1-1 pagsapit ng ika-57 minuto at biglang ginanahan ang Azkals. Subalit tumama ang disgrasya at napituhan ng penalty si Amani Aguinaldo matapos itulak ng malakas ang kanyang bantay at walang-kabang ipinasok ni Dangda ng iginawad na penalty kick sa ika-78 minuto.


Kahit humahabol, huli na nang ipasok sa ika-90 minuto ng laban sina Bienvenido Maranon na may isang goal at Amin Nazari na may dalawang goal na sa torneo. Hindi naramdaman ang laro ng dalawa sa idinagdag na minuto ng reperi.


May isang laro pa ang Azkals kontra Myanmar sa Disyembre 18 simula 8:30 ng gabi sa Bishan Stadium. Kahit manalo, hanggang siyam na puntos lang ang maabot nila at hawak ng Thailand at Singapore ang tiebreaker kung sakaling magtatapos sila ng pantay.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page