Text scams na nagbabanta ng kaso at pag-aresto, aksyunan

by Info @Editorial | July 9, 2024

Araw-araw ay nakakatanggap pa rin tayo ng text scams na iba-iba ang paandar.
May message na nanalo ka sa raffle, merong parcel na hindi nai-deliver sa ‘yo at kailangan mong magbayad muna, kamag-anak na nagpapa-transfer ng pera dahil may emergency kuno, taga-traffic bureau na sinasabing may violation ka at dapat magbayad ng multa.
Ang isa sa malala ay ang text na nagbabanta ng kaso at pag-aresto.
Kaugnay nito, nagbabala ang Philippine National Police (PNP) laban sa tinawag ng PNP Anti-Cybercrime Group na “warrant of arrest” scam.
Ang ilang mga text ay nagbabanggit ng mga pangalan ng opisyal, mga tanggapan ng PNP, at mga salitang “warrant” at “subpoena”.
Sinasabi rin sa ibang text na bibisita ang isang sheriff upang tingnan ang ari-arian ng isang indibidwal. Ito ‘yung sitwasyon na kahit wala ka namang ginawang labag sa batas ay kakabahan ka pa rin.
Bagama’t hinala ng PNP, may insider ang mga scam syndicate sa korte dahil karamihan umano sa mga recipient ay may mga kaso sa korte.
Patunay lang ito na namamayagpag talaga ang mga scammer. Lahat ng sitwasyon ay gagamitin para makapambiktima.
Paano na lang kung ang makakatanggap ng mga text scam ay medyo madaling mapaniwala?
Kaya habang tinutugis ang mga sindikatong nasa likod nito, dapat ding triplehin ang pagsisikap ng mga otoridad na maipabatid sa publiko ang iba’t ibang modus ng mga scammer para ‘di malusutan.



Comments