@Editorial | June 16, 2024
Isa rin ba kayo sa mga nakakatanggap ng text messages na sinasabing may nalabag kayong batas-trapiko?
Ayon sa Land Transportation Office (LTO), ang text message na hinihingi pa ang plate number ng sasakyan ay isang scam, na ang layunin ay makuha ang mga personal na detalye ng nakatanggap nito.
Sa ngayon, patuloy na binabaha ang ahensya ng mga ulat ukol sa naturang modus kaya’t patuloy din silang nagpapaalala sa mga motorista na ‘wag na lamang pansinin ang mga text message na pinagmumukhang mula sa LTO.
Idiniin pa ng ahensya na hindi sila nagpapadala ng text message para ipaalam ang mga traffic violation ng motorista.
Napag-alaman na nakalagay sa text message ang isang link na kapag pinindot ay lalabas ang pekeng LTO website kung saan hihingin na ang mga personal na detalye, kasama na ang e-wallet at bank accounts ng bibiktimahin.
Nakikipag-ugnayan naman na umano ang LTO sa mga kinauukulang ahensya para matukoy at maaresto ang mga nasa likod ng naturang scam.
Madaling gawin ang pagdedma sa mga nasabing text message pero abala pa rin at hindi maiiwasang mabahala dahil baka mas tumindi pa ang gawing panloloko ng mga scammer na ‘to.
Nakapagtataka lang na kahit may batas na laban sa mga ganitong ilegal na gawain ay tila mas namamayagpag pa ang mga scammer. Hindi lang text kundi may mga tumatawag pa.
Apela sa gobyerno, dagdagan pa ang kayod kontra scammers. Hindi puwedeng pangisi-ngisi lang ang mga walanghiya habang maraming natatakot at nabibiktima.
Comments