Mga pulitiko todo-bangayan, taumbayan, gutom!

by Info @Editorial | September 13, 2026

Habang nagpapalitan ng banat, paratang at hamon ang mga pulitiko, natatabunan ang mas mabigat na laban ng bayan.
Hindi bangayan ang laman ng sikmura ng pamilyang kapos sa pagkain.
Patuloy ang kahirapan, mabigat ang presyo ng mga pangunahing bilihin, at marami ang naghahanap ng disenteng kabuhayan. Kasabay nito, nananatiling seryosong usapin ang krimen at seguridad sa mga komunidad.
Pero ano ang madalas na nangingibabaw? Mga sagutan, intriga at tunggaliang pampulitika. Mas maraming enerhiya ang nauubos sa pag-atake sa kalaban kaysa sa paghahanap ng solusyon sa problema ng mamamayan.
May lugar ang kritisismo at pananagutan sa isang demokrasya. Ngunit kapag personal na ambisyon at pulitika ang inuuna habang naghihirap at nangangamba ang publiko, mali na ang prayoridad.
Tama na ang ingay. Magtrabaho, magbigay ng resulta at unahin ang bayan—dahil habang nag-aagawan ang mga pulitiko sa kapangyarihan, ang ordinaryong Pilipino ang naiiwan sa kahirapan at takot.



Comments