Teves, arestuhin na — Korte
- BULGAR

- Sep 6, 2023
- 1 min read
ni Mai Ancheta @News | September 6, 2023

Nagpalabas na ng warrant of arrest ang korte laban kay dating Cong. Arnolfo Teves, Jr., at tatlong iba pa kaugnay sa pagkamatay ni dating Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Sa anim na pahinang desisyon, inilabas ng Manila Regional Trial Court Branch 51 ang e-warrant of arrest laban kina Teves, Angelo Palagtiw, isang alyas Gie Ann o Jie An, at Captain Lloyd Cruz Garcia.
Mangangahulugan ito na ipinapaaresto na ng korte ang mga nabanggit na pangalan sa mandamiento de aresto kaugnay sa pagkamatay ni Degamo at ilan pang sibilyan noong March 4, 2023.
Nahaharap si Teves at ang grupo nito sa kasong murder, frustrated murder at attempted murder dahil sa pagkamatay ng dating gobernador at ilang mga tauhan at supporters nito.
Iniutos din ng korte ang paglilipat kay Nigel Electona ng kulungan sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City mula sa Manila City Jail kung saan ito nakakulong sa kasalukuyan.
Si Electona ay dating pulis sa Dumaguete City Police Office na mayroon umanong papel sa asasinasyon ni Degamo.
Si Teves ay nasa labas ng Pilipinas at ayaw umuwi ng bansa matapos iturong mastermind umano sa pagkamatay ni Degamo.





Comments