Testigo, may ‘K’ sa Witness Protection Program
- BULGAR

- May 5, 2024
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 5, 2024

Upang mabigyan ng proteksyon ang mga testigo na magiging saksi para sa isang kaso ay ipinasa ang Republic Act No. 6981 o ang tinatawag na “Witness Protection, Security and Benefit Act”. Sa ilalim ng batas, ang mga sumusunod ang maaaring tanggapin sa programang ito na pinangangasiwaan ng Department of Justice (DOJ):
“Section 3. Admission into the Program. - Any person who has witnessed or has knowledge or information on the commission of a crime and has testified or is testifying or about to testify before any judicial or quasi-judicial body, or before any investigating authority, may be admitted into the Program:
Provided, That:
a) the offense in which his testimony will be used is a grave felony as defined under the Revised Penal Code, or its equivalent under special laws;
b) his testimony can be substantially corroborated in its material points;
c) he or any member of his family within the second civil degree of consanguinity or affinity is subjected to threats to his life or bodily injury or there is a likelihood that he will be killed, forced, intimidated, harassed or corrupted to prevent him from testifying, or to testify falsely, or evasively, because or on account of his testimony; and
d) he is not a law enforcement officer, even if he would be testifying against the other law enforcement officers. In such a case, only the immediate members of his family may avail themselves of the protection provided for under this Act.”
Kapag ang isang tao ay natanggap na sa nasabing programa, siya ay magsasagawa ng isang Memorandum of Agreement kung saan nakapaloob ang kanyang mga obligasyon at tungkulin sa ilalim ng kanyang pagkakatanggap bilang saksi. (Seksyon 5, R.A. No. 6981).
Kaakibat sa kanyang mga tungkulin bilang saksi ay binibigyan din siya ng mga karapatan sang-ayon sa probisyon ng Seksyon 8 ng parehong batas, katulad ng mga sumusunod:
Karapatang magkaroon ng isang ligtas na tirahan hanggang sa siya ay nakapagbigay na ng kanyang pahayag, o hanggang sa ang pagbabanta o pananakot sa kanya dahilan sa kanyang pagbibigay ng pahayag ay mawala.
Kapag hinihingi ng pagkakataon at kinakailangang dalhin sa ibang lugar upang maprotektahan ang kapakanan ng isang testigo, siya ay may karapatan na magkaroon ng relokasyon at mapalitan ang kanyang pagkatao. Ang karapatan na ito ay abot sa bawat miyembro ng kanyang pamilya at kamag-anakan hanggang sa second degree of consanguinity or affinity;
Karapatang matulungan para makapaghanap ng isang uri ng pagkakakitaan o pangkabuhayan;
Kapag ang nasabing testigo ay hindi nakakapasok sa kanyang trabaho nang dahil sa kanyang pagharap at pagbigay ng pahayag sa isang husgado o sa anumang uri ng imbestigasyon, siya ay hindi maaaring mawala sa kanyang puwesto o matanggal sa kanyang trabaho;
Ang isang testigo na lumiban sa kanyang trabaho dahil sa pagbigay ng kanyang pahayag o testimonya ay may karapatang mabayaran ng halagang katumbas ng kanyang sahod para sa araw o sa mga araw na siya ay lumiban;
Karapatan para sa isang resonableng gastusin para sa kanyang mga pagbiyahe at mabigyan ng subsistence allowance;
Karapatan sa libreng pagpapagamot at pagpapa-ospital sa mga pribado o pampublikong ospital, pati ng mga libreng gamot para sa anumang sugat o karamdaman na may kinalaman sa kanyang pagiging testigo;
Kapag ang isang testigo ay napatay, ang kanyang mga tagapagmana ay makakakuha ng burial benefit na ‘di bababa sa P10,000.00;
Kapag ang isang testigo ay namatay o naging isang imbalido, ang kanyang mga anak na wala sa hustong gulang ay mapagkakalooban ng libreng edukasyon mula sa mababang paaralan hanggang sa kolehiyo sa alinmang pampublikong paaralan o sa mga pribadong paaralang elementarya, sekondarya o kolehiyo kung sila ay maging kuwalipikado rito;
Karapatang magkaroon ng mabilis na paglilitis sa kaso kung saan siya ay testigo;
Karapatang panatilihing sikreto ang kanyang pag-aplay para matanggap sa programa, maging ang ginawad na kaukulang aksyon sa kanyang aplikasyon; at
Ang isang testigo ay hindi maaaring ilagay sa paglilitis na kriminal o maparusahan nang dahil sa mga transaksyon o bagay na may kinalaman sa kanyang testimonya, o sa mga libro, dokumento o kasulatan na kanyang ilalabas kaugnay ng kanyang testimonya.




Comments