Tennis star Eala, tumaas ang World rankings sa Singles
ni GA - @Sports | June 27, 2022

Hindi man binuwenas si Alexandra “Alex” Eala na masungkit ang kauna-unahang titulo sa W60 title nitong nagdaang linggo sa women’s singles finals, umangat naman sa pinakamataas na pwesto sa kanyang karera sa World rankings ang tennis teenager sensation.
Malaki ang itinaas sa rankings ng 17-anyos na 2021 Southeast Asian Games triple bronze medalist mula sa 413th ay umangat sa ika-340th nitong Lunes ng gabi mula sa Women’s Tennis Asociation (WTA) rankings.
Naging malaking tulong ang runner-up finish ng dating two-time juniors singles champion sa ITF Women’s Tour W60 Madrid International Tennis Federation (ITF) tournament sa Arcardis Brezon Osuna Club Deportivo sa Madrid, Spain, Linggo ng gabi. Nabigo nga lang sa Finals kontra sa hometown-bet at World No. 214 Marina Bassols Ribera sa 6-4, 7-5.
Mula sa 572nd place sa buong mundo ay umariba ng husto ang karera ng Rafa Nadal Academy athletic scholar sa Mallorca at Globe Ambassador matapos ang magkakasunod na kampanya sa Thailand na sumungkit ng ikalawang pro-title sa W25 event sa Chiang Mai na nagbigay sa kanya ng 411th place. Nagpatuloy sa paghampas ng malulutong na panalo ang Quezon City-born tennis rising star para tumaas ito sa 394th nitong Mayo.
Dahil sa nakuhang karangalan, maituturing na pinakamataas na ranked player mula sa Timog Silangang Asya si Eala sa buong mundo. Ang dating top-SEA tennis player at 2021 SEA Games mixed doubles gold medalist na si Aldila Sutjadi ng Indonesia ay bumagsak sa 401st sa buong mundo. Sumusunod kay Eala sa SEA si Peangtarn Plipuech ng Thailand sa 365th.
Ayon sa report, nakalinya rin ang dating 2019 US Open at 2020 junior titlist bilang 28th sa lahat ng Asyano sa World rankings, habang pinakabata at natatanging taga-SEA na kasama sa top32 Asian female sa buong mundo.
Sunod na sasabak si Eala na lalo pang mapataas ang rankings sa W25 Open Generali Ciudad de Palma de Rio sa Spain sa Hunyo 27.





Comments