Teixeira, nilaos ni Prochazka sa Light-Heavyweight ng UFC
ni GA - @Sports | June 20, 2022

Hinirang na bagong kampeon ng men’s light-heavyweight ng UFC si Jiri “The Czech Samurai” Prochazka matapos patapikin ang dating nagmamay-ari ng korona na si Glover Teixeira, habang napanatili ni women’s flyweight titlist Valentina Shevchenko ang titulo laban kay Taila Santos sa bisa ng split decision victory, noong Linggo ng umaga (oras sa Pilipinas) sa UFC 275 sa Singapore Indoor Stadium sa Singapore.
Pinatapik ng 29-anyos mula Czech Republic ang Brazilian champion sa bisa ng rear-naked choke sa nalalabing 4:32 ng 5th round at final round. Ginamit ng Czech fighter ang lahat ng kaalaman mula sa jabs, uppercuts, tuhod, at iba’t ibang kumbinasyon, subalit hindi naman nagpadaig ang dating kampeon na bumitaw rin ng malulutong na suntok at siko, gayundin ang mga take downs.
Nakamit ng Muay Thai based fighter ang kanyang unang submission sapul pa noong 2014 panalo kay Viktor Bogutzki, habang ito ang unang pagkatalo ni Teixeira sa submission simula ng pumasok ito sa mixed martial arts noong 2002.
Nakamit ni Kyrgyzstani-Peruvian na si Shevchenko ang 7th title defense sa bisa ng 48-47, 47-48 at 49-46 na split decision laban kay Brazilian Muay Thai fighter na naputol ang four-fight winning streak. “When you've finished a fight, every time you find something to improve,” wika ni Shevchenko. “This is the championship mindset. Every time, you go farther and farther. I did everything. I left my heart in this Octagon. I can tell everyone, fans of MMA, I left my heart in here.”
Naging malaking tulong kay Shevchenko ang mahalagang takedown at mabibigat na kombinasyon upang maselyuhan ang panalo na kinailangang maghabol mula sa pagkakamali sa unang 2 rounds.
Pinagretiro ni dating women’s strawweight champion Zhang “Magnum” Welli ng China si dating 115-pound champion Joanna Jedrzejczyk ng Poland sa 2:28 ng second round ng kanilang non-title rematch ng UFC 248 na nagtapos sa knockout mula sa spinning backfist.





Comments