Tech-voc SHS graduates, assessment at certification libre na!
- BULGAR

- May 14, 2024
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | May 14, 2024

Magandang balita ang ating hatid para sa mga graduating ng senior high school (SHS) sa ilalim ng technical-vocational-livelihood (TVL) o tech-voc track dahil libre na ang assessment at certification para sa kanila. Mahalagang hakbang ito para tumaas ang tsansa nilang magkaroon ng magandang trabaho kapag nakapagtapos na sila.
Sa madaling salita, hindi na kailangang maglabas mula sa sariling bulsa ang mga mag-aaral para sa National Certificate (NC) assessments. Sa inaasahang pagpapatupad ng libreng assessment at certification program kasunod ng inilabas na joint guidelines ng Department of Education (DepEd) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), hinihikayat natin ang nasabing mga mag-aaral na i-avail ang libreng assessment program.
Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, trabaho nating tiyakin na magagamit nang tama ang inilaan nating pondo upang matulungan ang mga Grade 12 TVL graduate. Sa ilalim ng 2024 national budget, mahigit P438 milyon ang inilaan sa TESDA Regulatory Program para sa certification ng mahigit 400,000 na mga mag-aaral sa Grade 12.
Kailangan ding tiyakin ng TESDA ang pagkakaroon ng sapat na bilang ng assessors para sa naturang programa dahil nakalaan sa 2024 national budget ang P50.012 milyon para magdagdag ng 11,000 na TESDA assessors. Inaasahan nating magiging triple, o 19,000, ang bilang ng assessors sa pagtatapos ng taong ito mula sa 7,551.
Kung tutuusin, 100 porsyento dapat ng graduates ng tech-voc track ang dumaraan sa assessment na inaasahan nating papasa at makakakuha ng certification. Magaganda ang mga kurso ng ating TESDA learners, ngunit parang balewala lang ito kung hindi makukumpleto ang proseso hanggang makahanap sila ng trabaho.
Kung employers ang tatanungin, malaking bagay ang certification para sa kanila. Sa ganitong paraan, masosolusyunan na ang isyu ng jobs-skills mismatch, kung saan layon ng panukala ng inyong lingkod na Batang Magaling Act (Senate Bill No. 2022). Kapag naisabatas, matutulungan ang K to 12 graduates na makamit ang angkop at sapat na kaalaman, kahusayan at kasanayan na required sa mga kumpanya at korporasyon.
Samantala, isinusulong din natin ang paglikha ng National at mga Local Batang
Magaling Councils upang paigtingin ang ugnayan sa pagitan ng DepEd, local government units, ang akademya, at pribadong sektor para tugunan ang mismatch sa skills ng mga K to 12 graduate at sa mga pangangailangan ng labor market.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com








Comments