Taxi driver na nag-gas-and-run, lisensya suspendido

ni Mervin Reyes @News | October 20, 2026

Photo: Taxi driver sa gas and run arestado - LTO
Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) sa loob ng 90 araw ang lisensya ng isang taxi driver na umano’y tumakas sa gasolinahan nang hindi nagbayad sa ikinargang gasolina.
Agad ding nag-isyu ng show cause order ang ahensiya matapos makatanggap ng CCTV footage na nagpapakita sa taxi driver na nagpakarga ng gasolina bago umalis nang hindi nagbabayad.
Inatasan ng LTO ang driver at ang rehistradong may-ari ng taxi na humarap sa Intelligence and Investigation Division ng LTO Central Office sa East Avenue, Quezon City, sa Oktubre 27, 2026.
Kailangan nilang magsumite ng sinumpaang paliwanag kung bakit hindi sila dapat managot sa pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle. Maaari pang madagdagan ang kanilang pananagutan depende sa resulta ng imbestigasyon.
Inatasan din ang driver na agad isuko sa LTO ang kanyang lisensya habang umiiral ang 90-araw na preventive suspension.
Samantala, inilagay na sa alarm ang taxi at tinutukoy na ng Law Enforcement Service ng ahensiya para sa agarang pag-impound at pagsasagawa ng kaukulang proseso.





Comments