top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Tax sa online selling, ipaliwanag maigi

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 2, 2023
2 min read

@Editorial | November 2, 2023


Matapos ang mainit na halalan na sinundan ng Undas, naka-Christmas at New Year mode na ang publiko.


Tiyak na mas marami ang bumabawi ngayon sa bakasyon at negosyo matapos ang nagdaang pandemya.


Kasabay nito, may paalala naman ang gobyerno na maiuugnay sa business partikular ng mga nasa online.


Kung saan, umaasa ang pamahalaan na makakakolekta na ng 1% withholding tax mula sa mga operator ng mga online marketplace bago mag-Disyembre ngayong taon.


Sa pahayag ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Assistant Commissioner Jethro Sabariaga, pinag-aaralan na ngayon ng kawanihan ang mga komento ng mga stakeholder sa final draft ng revenue regulation (RR) na sumasaklaw sa online sellers.

Kapag nailabas na, babaguhin ng bagong revenue regulation ang mga probisyon ng Section 2.57.2 at 2.57.3 ng 25-year na revenue regulation No. 2-98 upang magpataw ng creditable withholding tax sa mga pagbabayad sa kita na ginawa ng mga electronic marketplace operator sa mga online merchant.

Paglilinaw naman ng BIR, ang mga e-marketplace ay ang mga digital platform na ang negosyo ay upang ikonekta ang mga online na mamimili sa mga online na merchant.


Kabilang dito ang mga marketplace para sa online shopping, food delivery platform, gayundin ang online facilities para sa pag-book ng resort, hotel, mga bahay, condominium unit, bedspace, room for rent at iba pang katulad na lodging accommodation.

Ito ay sa hangarin umano na ma-cash-in ang exponential growth sa mga e-commerce transaction sa panahon ng pandemya.


Mainam na maipaliwanag na maigi ng kinauukulan ang usaping ito dahil marami ang nagre-react hindi pa man lumalabas ang final draft.


At dahil tungkol ito sa buwis, umaasa tayo na ipatutupad ito nang patas at babalik din sa publiko sa pamamagitan ng mga kapaki-pakinabang na programa at serbisyo.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page