Taumbayan, ‘wag balewalain ang grabeng epekto ng climate change
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | July 5, 2023
Nagsama ang buong puwersa ng Climate Change Commission (CCC) at ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) upang palakasin at itaas ang kamalayan ng publiko hinggil sa matinding epekto na ng climate change.
Isang memorandum of agreement (MOA) ang nilagdaan ng CCC sa pangunguna ni Commissioner Albert dela Cruz Sr. at ni MTRCB chairperson Diorella Maria ‘Lala’ Sotto-Antonio bilang bahagi ng kanilang pagsisikap na masuportahan ang climate action plan ng kasalukuyang pamahalaan.
Ang kasunduan ng dalawang ahensya ay bilang pagkilala sa kahalagahan ng information dissemination na maturuan ang publiko hinggil sa ramdam nang pagkasira ng kapaligiran at hindi na matukoy na sama ng panahon dulot pa rin ng climate change.
Sa ilalim ng MOA, pangungunahan ng CCC at MTRCB ang mga inisyatibo at proyekto upang makarating nang tama ang mga impormasyon sa mga kababayan nating Pilipino hinggil sa environmental crisis at maturuan din sila na maging instrumento na marating ang layuning makatulong sa climate change.
Isang ‘whole-of-nation and-community’ approach ang gagawing atake ng nagsanib na ahensya sa pagtugon sa global phenomenon na inaasahang magiging matagumpay lamang kung ang ating mga kababayan ay may sapat na kaalaman hinggil sa climate change at global warming.
Nang mabalitaan ko ang pagsisikap na ito ng CCC at MTRCB ay nabuhayan tayo ng loob dahil bahagi ng ating adbokasiya na mapukaw ang kaalaman ng ating mga kababayan upang labanan ang climate change.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Public Works ay palagi tayong umiikot sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad at bukod sa namamahagi tayo ng ayuda ay iniinspeksyon natin ang mga naapektuhang imprastraktura.
Marami kasing mga tulay ang hindi dapat nasira ngunit dahil sa labis na pag-ulan ay winasak nito ang mga hindi inaasahang masira kabilang na ang mga pananim at iba pang kabuhayan na kung susuriin ay epekto lahat ng climate change.
At sa rami ng isinagawa nating pag-aaral hinggil dito ay lumalabas na talagang kulang sa kamalayan ang marami sa ating mga kababayan at hindi sapat ang kanilang interes para pagtuunan ng pansin ang grabeng epekto ng climate change sa bansa.
Katunayan isa ito sa prayoridad ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. (P-BBM), at para matugunan ang problema sa climate change ay naglaan ang pamahalaan ng P464.5 bilyong ngayong taon na katumbas ng 8.8% ng kabuuang national budget.
Higit itong mataas ng 60.1% kumpara sa 2022 alokasyon na P289.7 bilyon.
Upang maabot din natin ang sustainable, green at climate-resilient economy, ang administrasyon ni P-BBM ay naglaan ng P2.39 bilyon para sa National Greening Program sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act (GAA).
Dahil sa mandato ng Pangulo ay mananatili tayong nakatuon upang marating ang sustainable transformation tungo sa greener economy ngunit hindi natin ito maaabot ng basta-basta kung babalewalain natin ang ating kapaligiran.
Mismong ang Department of Budget and Management (DBM) ay nagpahayag na kaya nagtaas ng budget ngayong taon ay upang mapalakas ang mga programa sa climate change at iba pang aktibidades na may kaugnayan sa kapaligiran.
Isa sa nangungunang proyekto ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay ang National Greening Program para sa massive forest rehabilitation upang matugunan ang ilang sagot sa problema -- tulad ng food security, biodiversity conservation, environmental stability, at mapagaan ang sitwasyon sa climate change.
Ang kabuuan ng naturang programa ng DENR ay sakop ang land area na 13,565 ektarya; 7,249,642 seedlings ang nakatakdang itanim; at 158,843 ektarya ang nakatakda na lamang imentina.
Kumbaga, nakakatuwa na ganito na sabay-sabay na nagsisikap ang ilang mga ahensya ng pamahalaan dahil ramdam na talaga ang climate change, lalo na’t papasok ang El Niño na inaasahang magdudulot sa atin ng panibagong pagsubok.
Mabuti rin itong panawagan ng DBM sa iba pang ahensya ng pamahalaan na maglaan ng budget proposal sa mga probisyon para sa pagtugon sa climate change.
Maganda kung magtutuluy-tuloy ang mga pagkilos na ito at sa tingin ko ay may resulta na tayong makikita ilang panahon pa. Kung hindi naman natin agad maabot ang ating mithiin ay mas mabuti nang may ginagawa kesa maghintay sa wala.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments