Taumbayan sa Cha-Cha, mag-isip muna bago pumirma
ni Ryan Sison @Boses | Enero 23, 2024
Babala sa mga barangay official na lalahok sa signature campaign para sa People’s Initiative hinggil sa Charter Change.
Batay sa Department of the Interior and Local Government, dapat iwasan ng mga opisyal ng barangay na masangkot sa signature drive, at hindi dapat gamitin ang mga barangay hall para sa naturang inisyatiba.
Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos, papatawan ng kaukulang parusa ang mga barangay official na makikilahok sa signature campaign para amyendahan ang 1987 Constitution.
Ginawa ang babala sa mga opisyal ng barangay sa gitna ng mga ulat na may kapalit na P100 umano ang paglagda sa signature drive sa iba’t ibang lugar sa bansa para sa People’s Initiative.
Paliwanag ni DILG Undersecretary Felicito Valmocina, halimbawa na ang isang barangay official ang mismong bumababa o pumupunta at nagpapapirma sa mga indibidwal, mayroong violation na ginawa roon.
Gayundin aniya, sakali mang mayroong nakitang ganitong pangyayari ay dapat gawing black and white ito dahil hindi puwedeng hearsay lamang, habang lahat ng complaint ay kanilang inaaksyunan at bina-validate.
Nauna na ring naghain si Senador Imee Marcos ng resolusyon na humihiling para sa Senate review sa bisa ng Republic Act 6735, isang batas na nagbibigay ng system of initiative and referendum sa gitna ng mga report ng pangangalap ng mga pirma upang itulak ang pag-amyenda sa 1987 Constitution.
Halos lumalawak na ang mga ginagawa ng mga indibidwal sa pagsisikap na baguhin ang ating Saligang Batas.
Pati ang mga opisyal ng barangay ay nagagamit na rin dito matuloy lang ang Charter Change.
Sa aking pananaw, kailangang pag-aralang mabuti ang pag-amyenda sa Konstitusyon dahil maraming pinagdaanan ang nakasaad na mga batas dito, mga pangulong pinagtibay ito, at hindi magiging madali sa ating lahat. Kailangang maging metikuloso tayo hinggil dito, kung ito ba ay makakatulong at malaki ang magiging pakinabang para sa atin.
Panawagan sa ating mga kababayan, pag-isipan nang husto ang gagawin bago pumirma dahil baka sa huli ay pagsisihan lamang natin ang ating desisyon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments