Taumbayan, mas kailangan ng serbisyo hindi drama sa Senado
- BULGAR

- 2d
- 2 min read
by Info @Editorial | June 6, 2026

Madaling magturo ng daliri kapag magulo ang sitwasyon. Mas madali ring maghugas-kamay at magkunwaring biktima kapag ayaw aminin na may ambag ka rin sa kaguluhan.
Sa pulitika, karaniwan nang may kani-kanyang bersyon ng katotohanan ang bawat kampo. Kapag may hindi nagustuhang desisyon, may sisihan.
Kapag may hindi umusad na plano, may agad na hinahanap na dapat managot. Ang problema, kadalasan ay mas maraming oras ang nauubos sa pagbibintangan kaysa sa paghahanap ng solusyon.
Ganito ang nakikitang larawan sa kasalukuyang sigalot sa Senado, kung saan tila mas umiingay ang mga pahayag kaysa sa mga konkretong hakbang para maresolba ang mga hindi pagkakaunawaan.
Malinaw na lumalim ang hidwaan sa pagitan ng Majority at Minority blocs. Para sa mga miyembro ng minorya, iginigiit nilang sila ang naaapi at ang mayorya ang responsable sa pagkaantala ng trabaho sa kapulungan. Ngunit kung susuriing mabuti ang mga pangyayari, hindi ganoon kasimple ang larawan.
Totoong may mga panukalang batas na hindi naipasa at may mga sesyong naapektuhan ng kawalan ng quorum. Ngunit hindi rin patas na isisi ang lahat ng ito sa liderato ni Sen. Alan Peter Cayetano, na kamakailan lamang naupo sa puwesto. Kung may mga mahalagang panukalang hindi nausad sa tamang panahon, dapat ding tingnan ang pananagutan ng mga naunang liderato at ng buong institusyon, hindi lamang ng kasalukuyang pamunuan.
Ang matitinding pahayag, patutsada, at personal na tirada ay lalo lamang nagpapataas ng tensyon sa halip na makatulong sa paglutas ng mga hindi pagkakaunawaan.
Sa huli, hindi kailangan ng publiko ang dagdag na drama. Ang kailangan ay mga pinunong mas abala sa trabaho kaysa sa bangayan. Sapagkat ang tunay na sukatan ng pamumuno ay hindi kung sino ang pinakamalakas magsalita, kundi kung sino ang may kakayahang maghatid ng resulta.



Comments