Taumbayan ang tunay na talo sa walang katapusang bangayan
- BULGAR

- Jun 3
- 1 min read
by Info @Editorial | June 3, 2026

Sa panahong tila mas nangingibabaw ang akusasyon at bangayan, mahalagang paalalahanan ang lahat na ang tunay na sukatan ng pamahalaan ay hindi kung sino ang nananaig sa pulitika, kundi kung paano nito napaglilingkuran ang taumbayan.
Hindi maikakaila na nahaharap ngayon ang Senado sa matinding pressure. Sunud-sunod ang mga banta ng kaso at pag-aresto laban sa ilang senador. Bukod kay Sen. Jinggoy Estrada, may iba pang senador ang sinasabing dadamputin din. Pati si Senate President Alan Peter Cayetano at mga empleyado, balak umanong sampahan ng kaso kaugnay naman ng naganap na pamamaril sa Senado.
Dahil sa mga ito, iginiit ni SP Cayetano na hindi dapat hayaang maimpluwensiyahan ng takot o pressure politics ang institusyon.
Sa gitna nito, ang tanong naman ng publiko, ano na ang nangyari sa bilyun-bilyong ninakaw ng mga dating kawani at opisyal ng gobyerno at mga kasabwat na kontraktor?
Kaya mas dapat harapin ng buong Senado ang hamon na manindigan bilang isang 'co-equal branch of government' at ituloy ang imbestigasyon sa flood control scam hanggang sa mapanagot ang lahat ng sangkot.
Dahil kapag ang Senado ay nagsimulang kumilos dahil sa pressure, takot, o political bargaining, unti-unting nawawala ang tunay nitong papel bilang isang independent institution.
Sa huli, hindi lamang kalayaan ng Senado ang dapat ipaglaban kundi ang kakayahan nitong magtrabaho para sa publiko sa kabila ng lahat ng ingay sa pulitika. Sapagkat kapag ang oras at lakas ng mga pinuno ay nauubos sa bangayan, ang tunay na talo ay hindi ang mayorya o minorya—kundi ang sambayanang Pilipino.



Comments