Tatum, bumida sa 38 puntos, Edwards, maporma sa T'wolves
ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 15, 2022

Nakamit ng Boston Celtics ang ika-walong sunod na panalo nang pabagsakin ang Atlanta Hawks, 105-95, sa NBA kahapon sa TD Garden. Sa isa pang laro, wagi ang Minnesota Timberwolves sa Indiana Pacers, 129-120.
Lamang ang Hawks ng 10 matapos ang first half, 55-45, subalit hindi natinag ang Celtics at bumuhos ng 42 puntos sa 3rd quarter sa likod nina Jayson Tatum at Jaylen Brown.
Mula roon ay inalagaan ng Boston ang lamang salamat sa 9 na puntos ni Tatum sa 4th quarter upang umangat sa 33-25 at lampasan ang 31-24 Toronto Raptors para sa 6th place sa Eastern Conference.
Nagtapos na may 38 puntos si Tatum at sinundan ni Brown sa 17 puntos sa second half.
Kumilos sa 2nd quarter at uminit si Anthony Edwards para sa 11 puntos bilang bahagi ng 74 puntos ng Minnesota. Pumukol ng pitong 3-points si Edwards para sa 37 puntos at sinuportahan siya ni D’Angelo Russell na may 23 puntos. Kumakapa pa rin ang Pacers at natalo ng ika-anim na sunod sa gitna ang ilang transaksyon noong nakalipas na linggo na naghatid ng maraming pagbabago sa koponan, pangunahin ang paglipat ni Domantas Sabonis sa Sacramento Kings.
Samantala, nagkampeon sa 2022 FIBA Intercontinental Cup ang Flamengo ng Brazil matapos talunin ang defending champion Hereda San Pablo Burgos ng Espana, 75-62, sa Hassan Moustafa Sports Hall sa Cairo, Egypt. Ito ang ikalawang tropeo para sa Flamengo na huling nagkampeon noong 2014.
Sa laban para sa 3rd place, tinambakan ng NBA G-League champion Lakeland Magic ang kampeon ng Basketball Africa League ng NBA at punong abalang Zamalek, 113-78. Naglaro bilang isa sa mga import ng Zamalek si kabayan Mikh McKinney, isang 6’1” guwardiya na may karanasan din sa G League at ASEAN Basketball League.





Comments