top of page

Tatum at Brown ng Celtics nilikida ang Mavs, 2-0 na

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 11, 2024
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 11, 2024



Sports Photo

Laro sa Huwebes – American Airlines Center

8:30 AM Boston vs. Dallas


Naitakas ng paboritong Boston Celtics ang bisitang Dallas Mavericks, 105-98, sa Game 2 ng 2024 NBA Finals kahapon sa TD Garden. Hawak na ng Celtics ang 2-0 bentahe sa seryeng best-of-seven at nangangalahati na sa daan patungo sa una nilang kampeonato mula pa noong 2008. 


Determinado ang Mavs na makaagaw ng isang laro sa Boston at umarangkada sa maagang 13-6 lamang sa ipinagsamang 10 puntos nina Kyrie Irving at Luka Doncic. Biglang nagising ang Boston sa third quarter kung saan pinalawak nila ang 54-51 lamang sa halftime sa 83-74 salamat sa maaasahang tambalan “The Jays” nina Jayson Tatum at Jaylen Brown at tulong din ni Jrue Holiday.


Inalagaan ng Celtics ang bentahe at pagkakataon naman ni Derrick White na mag-ambag ng 8 puntos at walang pahinga sila ni Tatum sa buong 4th quarter upang mapigil ang mga tangkang lumapit ng Dallas. Natamasa ng Boston ang kanilang pinakamalaking agwat, 103-89, sa three-points at huling shoot ni White na may 3:34 nalalabi. 


Naagaw ni Holiday ang pansin sa kanyang 26 puntos at 11 rebound.  Sumunod si Brown na may 21 habang tig-18 sina Tatum at White at 12 si reserba Kristaps Porzingis. Nawalan ng saysay ang triple double ni Doncic na 32 puntos, 11 rebound at 11 assist.  Sinundan siya nina PJ Washington na may 17 at Irving na may 16 habang 13 si Daniel Gafford.


Malaking kabaligtaran at nakapalag ang Mavs kumpara sa Game 1 noong Biyernes kung saan maaga silang sumuko patungo sa 107-89 tambakan. Lilipat na ang serye sa American Airlines Center para sa Game 3 ngayong Huwebes at Game 4 sa Sabado. Kung magwawagi ang Mavs sa isa sa mga ito, ang Game 5 ay gaganapin sa Hunyo 18 sa TD Garden. 


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page