Tattoo removal sa kapulisan, ipinagpaliban
- BULGAR

- May 4, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | May 4, 2024

Upang muling i-review ang polisiya, nag-isyu ang kapulisan ng isang moratorium na nagpapaliban sa pagpapatupad ng pagtanggal ng mga tattoo sa mga police personnel.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson Col. Jean Fajardo, inatasan na ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) na mag-isyu ng moratorium upang bigyang-daan ang pag-aaral sa Memorandum Circular 2024-023, kung saan nag-uutos sa mga uniformed at non-uniformed personnel ng PNP na ipatanggal ang kanilang mga visible tattoos.
Base sa moratorium, sinabi ni Fajardo na pinare-review ng PNP chief ang polisiya bago ang pagpapatupad nito dahil na rin sa mga health at medical issues na posibleng idulot ng pagtatanggal ng mga tattoo, gayundin ang administrative sanctions na ipapataw naman sa mga pulis na mabibigong sumunod sa naturang polisiya.
Ginawa ni Marbil ang hakbang na ito upang mapanatili ang disiplina sa hanay ng kapulisan, ang code of conduct, norms na kaiba mula sa ibang empleyado ng gobyerno, ani Fajardo.
Batay sa MC 2024-023, minamandato ang lahat ng pulis na may tattoo na magbigay ng written affidavit na nagdedeklarang ang kanilang mga tattoo ay natanggal na.
Hindi naman saklaw ng naturang polisiya ang mga aesthetic tattoo gaya ng eyebrows, eyeliner o lip tattoo.
Sinabi pa ng PNP spokesperson na ang mga unauthorized tattoo ay kinabibilangan ng extremist, ethnically, o religiously discriminatory and offensive, indecent tattoos, racist, sexist, at mga tattoo na nauugnay sa mga ipinagbabawal o hindi awtorisadong grupo.
Dapat nga sigurong ipagpaliban muna ang pagtatanggal ng mga tattoo sa ating kapulisan lalo na kung ito ay nakatago at hindi nakikita.
Maaari kasing ang iba sa kanila ay nakalagay na ang mga tattoo hindi pa man sila pumapasok sa PNP.
Gayundin, hindi madali ang pagtatanggal nito sa ating katawan dahil maaaring mag-iwan ito ng matitindi at malalaking sugat matapos na gawin.
Hindi rin naman siguro kabawasan sa kanilang sinumpaang tungkulin na protektahan ang taumbayan kung nagtataglay man sila ng mga tattoo.
Ang mahalaga pa rin ay ginagawa nila ang kanilang trabaho nang buong puso at katapatan para sa mga kababayan at sa ating bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments