Taripa ng e-vehicles tatapyasan, solusyon sa taas-presyo ng gasolina
- BULGAR
- Nov 26, 2022
- 1 min read
@Editorial | November 26, 2022
Patapos na ang kasalukuyang taon, nariyan pa rin ang mataas na presyo ng petrolyo.
Bagama’t maraming motorista umaaray ay wala namang magawa kundi tangkilikin pa rin para makapaghanapbuhay lamang.
Gayunman, may mga kababayan tayong gumamit na lang ng alternatibo, kung saan nariyan ang e-vehicles o ‘yung mga sasakyang de-kuryente upang kanilang maging behikulo.
Kaya magandang balita na inendorso ng National Economic Development Authority Board kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na magkaroon ng executive order para tapyasan ang tariff rates o taripa sa mga electric vehicles.
Gayundin, pinatatapyasan ang taripa sa mga parts o piyesa ng mga sasakyan.
Mula sa limang porsyento ay ibaba ito sa isang porsyento na lamang, at ito’y sa loob ng limang taon.
Ang hakbang na ito’y isa umano sa mga tugon ng pamahalaan sa problema sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Mabuting may ginagawa ng gobyerno upang masolusyunan ang hirap ng mamamayan dahil sa totoo lang wala naman tayong hangad kundi ang mas madaling buhay sa tulong epektibong diskarte ng pamahalaan.



Comments