Tariff Reduction sa Agri products, pag-aralang maigi
@Editorial | September 26, 2023
Parami nang parami ang nagpapahayag ng pagtutol sa panukalang bawasan o tanggalin ang taripa sa mga agricultural products.
Nasa 26 nang grupo sa sektor sa agrikultura ang pumapalag sa bawas-taripa sa bigas, karneng baboy, manok at mais.
Taliwas umano ito sa utos ni Pangulong Bongbong Marcos na palakasin at suportahan ang produksyon sa bansa.
Katwiran ng mga pumapalag, hindi na kailangan na bawasan o alisin ang taripa dahil nagsimula na ang anihan sa bansa.
Dagdag pa, malaking porsyento umano ng inaangkat na bigas ay premium grade na tanging mga mayayaman lamang ang bumibili.
Malaki umano ang magiging epekto ng plano sa presyo ng palay na labis na ikalulugi ng mga lokal na magsasaka.
Kaya dapat talagang pag-aralan munang maigi ang suhestiyong ito. Kailangang malaman kung ito ba ay magiging daan sa pagbaba ng presyo ng bigas o malalagay lang sa dehado ang ating mga magsasaka at iba pang nasa sektor ng agrikultura. Dapat na pag-isipan ng gobyerno kung ano ang mas nararapat na aksyon, huwag magpadalos-dalos at isaalang-alang ang mga maaapektuhan.
Isa pa sa dapat ding pagtuunan ng mga awtoridad ay ang patuloy na pamamayagpag ng mga smugglers at hoarders. Sila ang pinakasalot sa agrikultura. Hanggang ngayon ay naghihintay pa rin ang taumbayan sa sinasabing kakasuhan at makukulong ang mga sangkot sa ilegal na kalakaran na nananabotahe sa ekonomiya ng bansa.



Comments