Tapusin na ang paghari-harian ng mga STL-con jueteng gambling lords
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | September 22, 2022
KITA NG PAMAHALAAN, INIAASA NG ILANG SENADOR SA POGO—Ilang senador ang tutol na ipasara ang Philippine Offshore Gaming Operators dahil sayang ang tax o buwis na kikitain ng pamahalaan sa mga pasugalang ito.
Ganun? Ganyan ba talaga mag-isip ang ilang senador ng Pilipinas, na ang kikitain ng pamahalaan ay dapat iasa na lang sa buwis na mga pasugalan?
◘◘◘
PERMIT SA STL-CON JUETENG, DAPAT IBALIK SA LGUs—Tapos na ang Duterte administration kasi Marcos administration na ngayon, kaya't sana ay tapusin na rin ang paghahari-harian ng mga gambling lords sa bansa.
Ang nais nating ipunto, dapat ibalik sa mga local government units (LGUs) ang kapangyarihan sa pag-iisyu ng permit, kung payag ba silang magkaroon ng pasugalan sa kanilang lalawigan, siyudad, munisipalidad at barangay.
Noon kasing panahon ni ex-P-Duterte, feeling hari ang mga Pinoy gambling lords ng STL (Small-Town Lottery)-con jueteng, hindi na sila kumukuha ng business permit sa mga LGUs, sa katuwirang may pahintulot ng Duterte administration ang kanilang pasugalan dahil nagbabayad naman daw sila ng tax sa national government at dahil sa takot kay former Pres. Duterte ng mga gobernador, mayor at barangay chairman, pikit mata na lang nilang tinatanggap na raketin ng mga gambling lords ang kanilang mga kababayan.
◘◘◘
IBINUKING NI SEN. IMEE, POSTPONEMENT NG BGY. AT SK ELECTIONS, NA-PROMISE NA PALA NI P-BBM SA MGA KAPITAN NG BARANGAY—Ibinuking ni Sen. Imee Marcos, na sa base sa pag-uusap nila ng kanyang utol na si Pres. Bongbong Marcos ay suportado nito ang postponement ng barangay at Sangguniang Kabataan elections kasi naipangako na ng kapatid sa mga kapitan ng barangay na ipagpapaliban niya ang nakatakdang halalan sa December 5, 2022.
Kaya naman pala "sitting pretty" ang karamihan sa mga kurakot, abusado, pabaya, drug pusher at adik na kapitan, kagawad at SK sa mga barangay kasi alam na pala nilang mananatili pa rin sila sa kanilang mga puwesto, dahil pinangakuan na pala sila.
◘◘◘
SUPREME COURT NA LANG PAG-ASA NG MAMAMAYAN PARA MATULOY ANG BGY AT SK ELECTIONS SA DEC. 5, 2022—Dahil suportado pala ni P-BBM ang postponement ng bgy. at SK election ay ibig sabihin niyan ay hindi niya ibi-veto ang panukalang-batas na pagpapaliban ng halalang pambarangay.
At dahil d'yan, ang tanging pag-asa na lang ng mamamayan para matuloy ang nakatakdang bgy. at SK elections ay kung may kukuwestyon sa SC (Supreme Court) sa legalidad ng postponement ng halalang pambarangay sa oras na pirmahan ni P-BBM ang panukalang batas na postponement ng bgy. at SK elections.
Kapag sinabi ng SC na unconstitutional na ipagpaliban ang bgy at SK elections, ibig sabihin niyan ay tuloy ang eleksyon sa Dec. 5, 2022 at hindi ito kayang hadlangan ni P-BBM, ng Senado at Kongreso.





Comments