top of page
Search
  • BULGAR

Taping nilayasan dahil dumating lang si Derek…RABIYA, IVANA AT ARCI, PINAGPIPILIAN PARA IPALIT

IPALIT KAY ELLEN SA SITCOM.


ni Melba R. Llanera - @Insider | August 05, 2021




Sa talakayan namin sa Showbiz Cafe ng FYE Channel, napag-usapan ang bali-balita na inalis na raw si Ellen Adarna sa sitcom nila ni John Estrada sa TV5, ang John En Ellen, dahil sa diumano'y pambibitin nito sa taping.


Ayon sa usap-usapan ay 'di pa umano tapos ang taping ng sitcom pero dahil nandu'n na raw si Derek Ramsay na fiancé ng aktres ay nagpaalam na raw si Ellen na uuwi na sila.


Balita ring kinausap daw ng staff ng John En Ellen ang aktres na tapusin muna ang ilang eksena pero nanindigan daw ito na uuwi na sila ng fiancé. Dahil dito ay na-pack-up daw ang taping at 'di natapos ang episode.


Pagkukumpirma naman ng kasamahan naming writer na si Kuya Fernan de Guzman na malapit sa aktor na si John Estrada, totoo na wala na si Ellen sa Season 3 ng John En Ellen at sa ngayon ay may mga pinagpipilian sila na puwedeng pumalit dito.


Ilan sa mga pangalang lumabas ay ang 2020 Ms. Universe-Philippines na si Rabiya Mateo, ang sexy actress na si Ivana Alawi, Kapamilya actress na si Arci Muñoz at dalawa pang aktres.


Pagkaklaro naman ni John kay Kuya Fernan, maayos ang naging pag-uusap nila ni Ellen at naiintindihan niya ang naging desisyon nito na magpokus muna sa nalalapit na pagpapakasal nila ni Derek at pagpasok sa buhay may-asawa, lalo't sa simula pa naman ay 'di talaga prayoridad ng aktres ang pag-aartista.


Naisip din namin na maaaring dobleng pag-iingat ang ginagawa sa ngayon nina Derek at Ellen dahil kamakailan ay nagpositibo sa COVID-19 ang mga magulang ng Kapuso actor, kung saan si Derek ang nag-alaga sa mga ito.


Bukas ang aming espasyo sa magiging pahayag ni Ellen sa isyu upang mabigyang-linaw nito ang mga lumalabas na balita sa pagkawala niya sa John en Ellen.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page