Tapatan na sa kampeonato ang apat na team sa NCRAA
ni Anthony E. Servinio @Sports | May 24, 2023

Mga laro ngayon – PUP Gym
10:00 AM PMMS vs. DLSU-D (Babae para 3rd)
11:30 AM PATTS vs. PMMS (para 3rd)
1:00 PM ICC vs. Olivarez (Game One)
Nakakasa na ang mga magtatapat para sa mga kampeonato ng 29th National Capital Region Athletic Association (NCRAA) Basketball Tournament matapos ang semifinals noong Lunes sa Polytechnic University of the Philippines Gym sa Santa Mesa, Maynila.
Maghaharap ang Olivarez College at Immaculada Concepcion College sa panig ng kalalakihan habang magkakaroon ng bagong reyna sa pagitan ng Centro Escolar University at PUP sa panig ng kababaihan.
Nanatiling perpekto ang Olivarez College sa 13 laro at binura ang Philippine Merchant Marine School, 68-60. Humugot ng 16 puntos at 17 rebound ang Sea Lions mula kay Best Player Joshua Gallano.
Itinakda ng Immaculada Concepcion College Blue Hawks ang tapatan sa Olivarez at binigo ang PATTS College of Aeronautics, 78-70, sa likod ng mainit na shooting nina Best Player Ian Torres na may 19 at Mark Edrian Ramirez na may 18 puntos.
Sa harap ng kanilang mga kamag-aral, tinapos ng Lady Radicals ang kampanya ng defending champion De La Salle University-Dasmarinas, 90-75. Nilabanan ni Best Player Johanns Blaza ang matinding pulikat sa 3rd quarter at bumalik upang magbagsak ng anim ng kanyang 16 puntos sa 4th quarter.
Sinigurado ng CEU ang unang upuan sa Women’s Finals matapos tambakan ang PMMS Lady Mariners, 81-47. Namuno sa Lady Scorpions si Lovely Altamirano sa 14 puntos habang Best Player si point guard Michelle Incierto bunga ng pangkalahatang numero na 4 na puntos, 6 na rebound, 5 assist at 4 na agaw.





Comments