Tandem ng Patong-Patong at Great Wall, aabangan

ni Green Lantern - @Renda at Latigo | May 7, 2022
Magsasanib-puwersa sina Patong Patong at Great Wall sa magaganap na 2022 PHILRACOM "Chairman's Cup" Division III bukas na ilalarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Rerendahan ni AM Tancioco si Great Wall habang si RC Baldonido ang sasakay kay Patong Patong sa karerang may distansiyang 2,000 meter race.
Ang ibang nagsaad ng pagsali ay sina Blackburn, Bravo, Gusto Mucho, La Liga Filipina, Life Gets Better, Primetime Magic at Victorious Colt.
May guaranteed prize na P500,000 ang nasabing event ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli Leon.
Ayon sa komento ng mga karerista sa social media, inaasahang bakbakan ang masisilayan sa nasabing event kaya karamihan sa mga tumataya ng winner take all ay hindi magsi-single bet.
"Maiinam ang mga kasali kaya paniguradong magandang laban ang masisilayan," saad ni Christian Cornello, veteran karerista.
Hahamigin ng unang kabayong tatawid sa meta ang halagang P300,000, kukubrahin ng second at third placers ang tig-P100,000 at P50,000 ayon sa pagkakasunod. Ibubulsa ng 4th placer ang P25,000 habang tig- P15,000 at P10,000 ang fifth at sixth.
Samantala, bukas din ilalarga ang Chairman's Cup Division I kung saan kasali ang mga kampeon na sina Boss Emong, Super Suwerte at Pangalusian Island.





Comments