Tandaan na kung ako na nag-iingat ay nagpositibo sa COVID-19...
- BULGAR

- Aug 12, 2020
- 2 min read
paano pa ‘yung matitigas ang ulo, makulit at ayaw sumunod sa kabila ng panay na paalala?
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 12, 2020
Ganap na alas-5 ng hapon noong nakaraang Sabado nang makumpirmang positibo ako sa COVID-19 matapos lumabas ang resulta ng pinakahuling test na regular kong ginagawa matapos ang napakaraming aktibidades bilang Senador.
Kahit masakit ang aking ulo at medyo namimigat ang aking mga mata ay pinilit ko pa ring magsulat dahil hindi ko kayang palipasin ang araw na hindi ko maibahagi sa inyo ang kasalukuyan kong pinagdadaanan.
Hindi naman ako kasing grabe ng ilang halos nag-aagaw-buhay na ngunit ramdam ko ang hirap ng isang may COVID-19 at marahil kaya malakas pa rin ang aking pangangatawan dahil sa regular akong nag-eehersisyo.
Ngayon ko pinakinabangan ang araw-araw kong paghihirap sa gym dahil sa ayaw kong tumaba at nais kong manatiling malakas at maliksi kaya sinisikap kong gumising ng umaga para mag-ensayo bago magtungo ng Senado at iba pang gawain.
Sa mga nagmamahal sa akin, huwag kayong labis na mag-alala at sa halip ay ipagpatuloy lang nating ang ating panalangin na malampasan ko ang pagsubok na ito habang ako nakabukod sa aking mga minamahal dahil posible ko silang mahawa.
Bago pa ako nahawa sa COVID-19 ay madalas na akong pigilan ng aking mga mahal sa buhay partikular ang aking maybahay, mga anak at aking staff na bawas-bawasan muna ang pagdalo sa mga aktibidades na hindi naman gaanong mahalaga.
Ito nga ay dahil sa libu-libo na ang nahahawa araw-araw at hindi malayong ako ay mahawa dahil sa pakikisalamuha ko sa mga taong nangangailangan ng tulong.
Idagdag pa ang pagdalo sa mga pagdinig sa Senado na bilang mambabatas ay may pagkakataong kailangan kong magtungo ng personal sa kabila ng banta ng pandemyang ito.
Hindi ko alam kung malulungkot ako dahil sa kabila ng aking pag-iingat ay nahawa pa rin ako, ngunit naniniwala akong may dahilan kung bakit dapat kong maramdaman ang paghihirap ng isang nahawa sa COVID-19.
Kumpara sa ibang nagpositibo ay higit na mas malakas ang aking pangangatawan ngunit hindi ng aking kaisipan na siyang nakararamdam ng lungkot at pangamba na posibleng bawian ako ng buhay anumang oras.
Idagdag pa ang hinagpis at pag-aalala ng aking maybahay at mga anak at mga nagmamahal sa akin na nakadagdag pa sa dalahin dahil sa mas nahihirapan akong makita silang nahihirapan.
Ngayong naramdaman ko ang tunay na pinagdaraanan ng isang pasyente ng COVID-19 kung gaano kahirap hindi lang sa pisikal na pangangatawan kung hindi maging sa emosyonal na aspeto ay tila nagkaroon ako ng karapatang ipaalala ng may damdamin kung bakit dapat pa tayong mag-ingat.
Masigasig ang simpleng pahayag ng pamahalaan na regular na maghugas ng mga kamay, magsuot ng face mask o face shield at panatilihin ang physical distancing dahil hindi pala simple kapag ikaw na mismo ang nahawa.
Alalahanin natin na walang sinisino ang COVID-19, maging doktor, nurse, maging mga sundalo, pulis o Senador pa dahil hindi natin nakikita ang kalaban at hindi natin alam kung kailan aatake.
Para tayong nakikipagsuntukan kay ‘Invisible Man’, ngunit hindi puwedeng naghihintay lang tayong tamaan kaya dapat palaging nakasangga ang mga kamay para hindi tayo tamaan ng ligaw na suntok.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o
mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments