top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Tamang pasahod tuwing holiday, sundin

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 20, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | December 20, 2023


Ipatutupad pa rin sa mga empleyado ang “no work, no pay” policy, kahit idineklarang special non-working holiday ang December 26.


Nauna nang ipinaalala ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer ang tungkol sa ipinaiiral na pay rules sa mga empleyado ngayong Disyembre na may mga regular at special non-working holidays. 


Sa inilabas na Labor Advisory kamakailan ay nakasaad na ipatutupad ang “no work, no pay” sa December 26, maliban na lamang kung may paborableng polisiya o tinatawag na collective bargaining agreement (CBA) ang kumpanya, na nagbibigay ng sahod para sa naturang araw.


Ayon sa DOLE, ang empleyado na magtatrabaho sa special (non-working) day ay babayaran ng karagdagang 30 porsyento ng kanyang arawang sahod sa unang walong oras ng trabaho nito.


Sa empleyado naman na nag-overtime, makakatanggap ng karagdagang 30 porsyento ng kanyang hourly rate o orasang kita sa naturang araw.


Para sa mga empleyado na magtatrabaho sa special (non-working) day, na natapat sa rest day o araw ng kanyang pahinga, dapat bayaran sila ng karagdagang 50 porsyento ng kanilang arawang sahod sa unang walong oras.


Habang ang mga mag-o-overtime ay babayaran ng karagdagang 30 porsyento ng kanyang hourly rate o orasang kita para sa naturang araw.


Mainam ang polisiyang ipatutupad ng kinauukulan para sa mga manggagawa sa mga araw na idineklarang special non-working holiday. May karagdagang kita ito sa mga papasok sa trabaho na magiging malaking tulong naman sa kanilang pamilya.


Hindi nga naman biro na isakripisyo nila ang mga mahahalagang araw para magtrabaho at harapin ang mga paperwork sa halip na sana ay pamilya ang kanilang kasama.


Sa mga kababayan na wala talagang pasok, huwag na sanang manghinayang na mabawasan ang inyong kita, dahil bukod sa makakapiling na ninyo ang inyong mga kamag-anak at makadadalo sa mga reunion ay makapagpapahinga rin kayo dulot ng mahabang bakasyon.


Isipin na lamang natin na nakatanggap naman tayo ng ating mga 13th month pay at bonus kaya okey na rin magsaya muna kasama ng pamilya.


Paalala lang natin sa lahat na patuloy tayong mag-ingat sa ating mga kinakain, mga lugar na ating pupuntahan, at iwasan din natin ang magkasakit lalo na’t nandiyan pa rin ang COVID-19 para talagang ma-enjoy natin ang Kapaskuhan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page