top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Tamang pasahod sa mga gurong buwis-buhay tuwing eleksyon

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 11, 2024
1 min read

@Editorial | June 11, 2024



Editorial


Isinusulong ng Commission on Elections (Comelec) na madagdagan ang honoraria na ipagkakaloob sa mga titser na magsisilbi bilang mga miyembro ng electoral board at support staff para sa 2025 National and Local Elections (NLE).


Ito ay bunsod na rin umano ng pagdaragdag sa trabaho ng mga guro dahil sa karagdagan ding poll hours.


Isinusulong umano sa kanilang budget na magkaroon ng dagdag-honoraria ang lahat ng mga titser bagama’t hindi pa tinukoy ang eksaktong halaga nito.


Paliwanag ng ahensya, wala namang tax exemption ang mga titser at dadagdagan pa ang kanilang trabaho sa halalan, kaya’t marapat lamang na madagdagan din ang kanilang matatanggap na bayad.


Una nang sinabi ng Comelec na plano nilang magpatupad ng early voting hours para sa vulnerable voters sa 2025 NLE, kung saan ang mga persons with disabilities (PWDs), senior citizens, at mga buntis ay papayagang makaboto mula alas-5 ng madaling-araw hanggang alas-7 ng umaga.


Napag-alaman din sa time and motions studies ng Comelec na magkakaroon umano ng karagdagang lima hanggang anim na oras sa post-processing ng mga balota, na nangangahulugan din ng dagdag-trabaho sa mga titser.


Nabatid na sa huling automated elections, ang mga miyembro ng electoral board ay tumanggap ng P9,000 honorarium habang P8,000 naman sa mga support staff.


Umaasa tayo na maipagkakaloob ang maayos na kumpensasyon sa mga guro sa kanilang pagsisilbi sa darating na eleksyon. Batid naman natin na hindi biro ang kanilang trabaho, talagang buwis-buhay lalo na sa mga lugar na lantad sa karahasan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page