top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Tamang pasahod, benepisyo at proteksyon sa lahat ng OFWs

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 29, 2023
  • 2 min read

@Editorial | December 29, 2023


Good news ang ipatutupad na dagdag-sahod sa mga overseas Filipino worker (OFWs) sa Taiwan at Hong Kong.


Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), iniutos ng Taiwan Ministry of Labor (MOL) ang 4.05% increase sa monthly minimum salary na mula NT$26,400 (P46,378.70) ay magiging NT$27,470 (P48,223.43), na epektibo sa Enero 1, 2024.


Dinagdagan din ng NT$7 ang minimum hourly wage kaya ang dating NT$168 (P295.14) ay magiging NT$183 (P321.48).


Ayon sa DMW, hanggang noong Oktubre, tinatayang 151,562 Pinoy ang nagtatrabaho sa Taiwan.


Sa nasabing bilang, 123,768 ang nagtatrabaho sa manufacturing sector at kabilang sa mga makikinabang sa nasabing wage hike.


Tinatayang 17,721 Pinoy pa ang madadagdag sa nasabing bilang sa pagtatapos ng 2023.


Samantala, ang mga OFW na nagtatrabaho bilang foreign domestic helpers (FDH) o household service workers (HSWs) sa Hong Kong ay makikinabang naman sa wage hike na ipinatupad ng Labor Department ng HK.


Mula sa dating HK$4,730 o P36,917.65 na minimum allowable wage (MAW), tataas ito ng HK$140, at magiging HK$4,870 o katumbas ng P38,010.35.


Dinagdagan din ng HK Labor Department ang allowable food allowance ng FDHs sa HK$1,236 o P9,649.98 mula sa dating rate na HK$1,196 o P9,334.78.


Saklaw ng wage increase ang mga FDH contract na pinirmahan na "on or after" September 30, 2023.


Batay sa datos ng Migrant Workers Office sa Hong Kong (MWO-HK), hanggang nitong August 2023, mayroong 196,364 OFWs na nagtatrabahong HSWs o FDHs sa Hong Kong.


Pagdating ng January 2024, aabot pa umano sila sa 205,000 Filipino HSWs.


Bukod sa dagdag-sahod, umaasa tayo na mabibigyan din ang mga OFWs ng maayos na benepisyo at higit sa lahat, proteksyon laban sa anumang uri ng pang-aabuso.


Sadyang hindi matutumbasan ang husay at puso sa trabaho ng mga Pinoy, kaya marapat lang na masuklian ito nang maayos na pakikitungo at pangangalaga sa kanilang mga karapatan bilang manggagawa.


Sa huli, sana nga ay matupad pa rin ang pangarap na wala nang Pinoy na mapipilitang makipagsapalaran abroad para kumita.

 

 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page