top of page
Search
BULGAR

Tamang pagtulong sa mga nasa lansangan

ni Ryan Sison @Boses | November 13, 2023


Hindi masamang tumulong sa mga nangangailangan subalit dapat na gawin ito sa tamang paraan.


Ito ang paalala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko, lalo na sa mga motorista na laman ng kalsada na hindi dapat nagbibigay ng limos o anumang halaga sa mga tinatawag nating taong lansangan.


Ayon kay DSWD spokesman Rommel Lopez, kung patuloy kasi na nakakatanggap ng tulong o pera ang mga namamalimos sa mga lansangan ay magpapabalik-balik din ang mga ito sa kalye para manghingi ng limos.


Paliwanag ni Lopez, sobrang delikado o risky ang mamalimos sa kalye na minsan ay may props pa ang mga ito na may bitbit na sanggol, o kaya may props na PWD. At kung bibigyan aniya, natin ang mga ‘yan, hindi aalis ang mga ‘yan sa kalye at patuloy na babalik-balik sa panlilimos. Giit pa niya na kung walang nagbibigay, hindi sila babalik sa kalsada.


Binigyang-diin naman ng opisyal na hindi kasi alam ng mga nagbibigay ng limos na dinadala na pala nila ang mga taong lansangan sa disgrasya dahil maaari aniyang mabangga ang mga ito habang mausok pa at talagang mapanganib sa mga kalsada.


Payo naman ni Lopez sa mga nagnanais talagang tumulong sa mga kapuspalad ay ibigay na lamang ang mga ito sa mga non-government organization o sa mga ahensya ng gobyerno gaya ng DSWD, para aniya, sila na mismo ang personal na mamamahagi nito sa mga totoong nangangailangan.


Ayon naman kay DSWD undersecretary Edu Punay, nasa higit 70 indibidwal ang nawala na sa mga lansangan at kanilang natulungan mula sa mahigit 1,000 katao na nai-report ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nakikita sa mga kalsada sa National Capital Region.


Marami silang natulungan na mga dating nanlilimos na nagbalik-probinsiya habang ang iba naman ay nabigyan ng trabaho gaya ng pagda-drive ng pedicab.


Maganda ang ginagawa ng gobyerno na tulungan ang mga kababayan natin na nagkalat sa mga lansangan.


Ang iba nga sa kanila ay sa kalsada na nakatira at hindi lang isa kundi pami-pamilya na. Minsan pa may mga maliliit na bata na basta manghihingi ng pera sa mga komyuter na nag-aabang lang ng sasakyan.


Hindi madali na mapaalis natin ang mga ito sa mga lansangan dahil may tendency talaga na bumalik-balik sila rito, pero kung susuportahan natin ang kinauukulan na huwag silang bibigyan ng anumang limos, matututo rin ang mga ito na hindi na manlimos.


Totoong nakakaawa ang kanilang kalagayan subalit mas mabuting turuan natin silang magbanat ng buto at maghanapbuhay para sa kanilang sarili at pamilya.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page