Tamang paggamit ng lucky color, paraan para matalo ang pangit na kapalaran
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| October 11, 2022
Dear Maestro,
Wala akong boyfriend ngayon, pero nagka-boyfriend na ako noon. May stable job naman ako, kaya lang, nanganganib ako na mawalan ng trabaho dahil may balita na magsasara ang kumpanya na pinapasukan ko. Kaya ngayon, natatakot akong mawalan ng trabaho, gayung magpa-Pasko dahil kawawa ‘yung bunso naming kapatid na pinag-aaral ko.
Sa palagay n’yo, mawawalan ba ako ng trabaho sa last quarter na ito ng 2022? Sa love life naman, kailan ako magkakaroon ng permanente at seryosong boyfriend na mamahalin ako habambuhay? October 30, 1993 ang birthday ko.
Umaasa,
Irish ng Santa Monica, Novaliches, Quezon City
Dear Irish,
Ayon sa birth date mong 30 o 3 (ang 30 ay 3+0=3), sa zodiac sign na Scorpio at destiny number na 8 (10+30+1993=2033/ 20+33=53/ 5+3=8), sa sandaling umiral ang birth date mong 3, tiyak ang magaganap, magkakaroon ka ng boyfriend na higit sa iyo ang katayuan o kalagayan sa buhay.
Kaya kung ikaw ay pangkaraniwang factory worker o nag-o-opisina, posibleng ang maging boyfriend mo ay isang supervisor o mas mataas sa iyo ang posisyon o pinag-aralan, gayundin, mas may kaya sa iyo ang pinanggalingan niyang pamilya.
Sa matuling salita, higit sa kalagayan mong panlipunan ang katayuan ng magiging boyfriend at mapapangasawa mo, na madalas ay kabilang sa mga indibidwal na may birth date na 3, 12, 21, 30, 9, 18 at 27.
Samantala, bukod sa nasabing pag-aanalisa, kapag naman ang destiny number mong 8 ang nanaig sa iyong buhay, lalong maganda dahil ito ay indikasyon na ikaw ay yayaman nang sobra. Darating ang panahon na makakapagpatayo ka ng sarili mong bahay na yari sa bato o may fourth floor o mataas na building.
Gayunman, ang hindi dapat mangyari ay ang kapalaran ng mga Scorpio na kung saan-saang magulong pag-ibig humahantong ang kanilang relasyon, na sa bandang huli ay sa pagluha rin nauuwi.
At upang manaig sa iyo ang birth date na 3 at destiny number na 8, madali lang ang dapat mong gawin — palagi kang magsuot ng kulay na asul at berde, sa halip na pula.
Sa tamang pagsusuot ng suwetong kulay, asul at berde at maaari rin ang violet, tiyak na mas madaling mananaig sa iyo ang numerong tres (3) at destiny number na otso (8), at kahit mawalan ka ng trabaho, hindi mananaig sa iyo ang pangit na kapalaran.
Sa halip, mananaig sa buhay mo ang nakatakda para sa mga Taong Tres at Taong Otso —makakapag-asawa ka ng lalaking mas magaling sa iyo, at sa nasabing pag-aasawa, ‘yun din ang maghahatid o magdudulot sa iyo ng tuloy-tuloy na pag-asenso, hanggang sa tuluyang yumaman ang itatayo n’yong pamilya.
Ayon sa Decadens ng iyong Kapalaran, ang magandang kapalarang tinuran sa itaas ay nakatakda o magsisimulang mangyari sa susunod na taong 2023 at sa edad mong 30 pataas.



Comments