top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Tamang lugar sa pagsasampa ng kaso sa employer at ahensya ng OFW

BULGAR
Sep 21, 2022
2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | September 21, 2022


Dear Chief Acosta,


Dati akong nagtatrabaho bilang overseas Filipino worker (OFW) sa Qatar. Hindi ako pinasahod ng maayos ng aking employer sa abroad at hindi rin ako nabigyan ng tulong ng aking ahensya tungkol dito. Nais ko sanang habulin at ipaglaban ang aking karapatan sa pamamagitan ng pagrereklamo sa National Labor Relations Commission (NLRC). Saang lugar ko ba nararapat isampa ang aking kaso? - Nestor


Dear Nestor,


Para sa iyong kaalaman, ang Section 1 (e), Rule IV of the 2011 NLRC Rules of Procedure, as amended, ang panuntunang naaangkop sa iyong sitwasyon. Ayon sa nabanggit:


“e) Cases involving overseas Filipino workers may be filed before the Regional Arbitration Branch having jurisdiction over the place where the complainant resides or where the principal office of any of the respondents is situated, at the option of the complainant.”


Malinaw sa nasabing panuntunan na ang mga kaso kaugnay ng overseas Filipino workers (OFWs) ay maaaring isampa sa Regional Arbitration Branch na nakasasakop sa lugar kung saan siya naninirahan o hindi kaya ay sa lugar na nakasasakop sa pangunahing tanggapan ng kanyang mga kakasuhan o respondents, tulad ng agency. Ang karapatang pumili ng alinman sa dalawa ay nakasalalay sa OFW na magrereklamo.


Samakatuwid, ikaw ang mamimili kung saan ka magsasampa ng iyong kaso. Maaari mo itong isampa sa lugar kung saan ka naninirahan o hindi kaya ay sa lugar na nakasasakop sa pangunahing tanggapan ng iyong ahensya.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page