top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Tamang implementasyon sa health guidelines, magpapabilis sa muling pagsigla ng ekonomiya

BULGAR
Jun 10, 2022
3 min read

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | June 10, 2022


Magandang balita sa ating mga kababayan dahil may mga pagbabagong isinagawa ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases sa Guidelines on the Nationwide Implementation of Alert Level Systems for COVID-19. Pinapayagan na ang mga establisimyento na magbukas at mag-operate sa “full capacity”. Ibig sabihin, darami na ang aktibidad na maaaring gawin at tuluy-tuloy na ang pagsigla ng ating ekonomiya.


Isang indikasyon din ito na unti-unti tayong nagtatagumpay sa pagkontina sa COVID-19 pandemic.


Bagama’t positibong kaganapan ito, ako, bilang Chair ng Senate Committee on Health ay patuloy na umaapela at nakikiusap sa inyong lahat na patuloy tayong maging maingat. Sundin natin ang mga ipinatutupad na health and safety protocols. Patuloy pa rin ang ating laban sa COVID-19 at mahalagang maunawaan na magiging matagumpay lang ang health protocols kung lahat tayo ay susunod sa mga itinakdang patakaran, magkakaisa at magbabayanihan.


Huwag magkumpiyansa. Huwag nating sayangin ang magandang takbo ng ating pandemic response at vaccine rollout. Mas palakasin pa natin ang pagbabakuna, lalo na ng booster shots para hindi na muling tumaas ang mga kaso at bilang ng nagkakasakit.

Para naman sa gobyerno at namamahala ng mga pampublikong establisimyento, ipatupad natin nang maayos ang patakaran nang walang pinipili o pinapanigan. Nakasaad sa requirement ang pagpapakita ng proof of full vaccination sa lahat nang nais pumasok sa mga establisimyento, kaya sundin natin ito.


Siguraduhin nating nakalatag na ang mga patakarang kailangan upang maging ligtas ang ating komunidad. Alalahanin natin na pinakaimportante ang buhay ng bawat Pilipino.


Nakikiusap tayo sa mga kuwalipikado na, pero wala pa kahit isang bakuna na sana ay magpabakuna na kayo sa lalong madaling panahon. Marami tayong vaccination sites, magpunta lang kayo sa pinakamalapit. Ligtas at mabisa ang bakuna, ito’y napatunayan na. Kung kayo naman ay bakunado na, siguraduhin ninyong magkaroon ng booster shot para may dagdag-proteksiyon laban sa virus.


Ang bakuna ang tanging solusyon para makabangon at makabalik tayo sa normal na pamumuhay. Ito ang proteksiyon na kailangan natin dahil patuloy pa ring kumakalat ang virus. Paalala lang na hindi pa tapos ang pandemya. Mag-ingat pa rin kasi hindi natin masabi kung magkakaroon pa ng mga new variants. Ayaw nating masayang ang naging sakripisyo natin sa nagdaang dalawang taon.


Samantala, sa kabila ng mga gawain natin sa Senado at ang aking personal na pagtulong kay Pangulong Rodrigo Duterte, ginagawa rin natin ang lahat ng ating makakaya upang rumesponde sa ating mga kababayan na labis na nangangailangan. Iba’t ibang komunidad ang naabutan ng tulong ng aking tanggapan sa linggong nakaraan.


Agad nating dinaluhan ang 77 pamilyang biktima ng sunog sa Taytay, Rizal. Hindi natin kinakalimutan ang mga taga-Davao Oriental at personal tayong naghatid ng tulong at nagbigay ng pag-asa sa 3,000 benepisaryo sa Banaybanay; at 286 pa sa Baganga. Nabigyan naman ng ayuda ang 2,500 na mahihirap na residente ng Mati City. Muli tayong nagsagawa ng serye ng pamamahagi ng tulong sa Island Garden City of Samal sa Davao del Norte at nakapaghatid ng ngiti sa 500 na benepisaryo mula sa Bgy. Kanaan; 1,007 sa Bgy. Anonang; at 1,000 pa sa Bgy. Tagbaobo.


Nakarating din ang ating mga kasamahan sa Leyte para alalayan ang 150 na benepisaryo mula sa Babatngon; 134 sa Isabel; 121 sa Albuera; 113 sa Baybay City; 101 sa Abuyog; 96 sa Kananga; 73 sa Mayorga; 63 sa Inopacan; 50 sa Dagami; 49 sa Hindang; 40 sa Javier; 27 sa Tabontabon; at 24 pa sa San Miguel.


Personal na binisita rin natin ang Davao Regional Medical Center upang magsagawa ng Malasakit Center monitoring at nakiisa rin ako sa ribbon cutting ceremony ng Radiation Therapy Medical Linear Accelerator (LINAC) sa nasabing ospital. Nagbigay rin tayo ng tulong sa mga pasyente at frontliners doon.


Kahapon naman ay nag-abot din tayo ng tulong sa mahigit 3,000 katao sa Governor Generoso sa probinsiya ng Davao Oriental. Ngayong araw naman ay pumunta tayo sa Sultan Kudarat upang magsagawa rin ng Malasakit Center monitoring sa Sultan Kudarat Provincial Hospital sa Isulan, at para masaksihan ang groundbreaking ng Super Health Center sa bayan ng Bagumbayan.


Tahimik man nagseserbisyo, walang tigil ito. Ang hiling lang natin ay pakinggan ang ating mga apela, lalo na ang mga isyungmay kinalaman sa kalusugan.


Nakikita na natin ang tinatawag na “light at the end of the tunnel”. Mas magtatagumpay tayo kung ipagpapatuloy natin ang pagkakaisa at bayanihan. Sama-sama tayo sa paghakbang patungo sa mas magandang bukas upang walang Pilipinong maiiwan sa pagkakaroon ng mas komportableng buhay.

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page