Tama na ang SONA na puro pambobola, ang nais ng taumbayan ay makatotohanan
@Editorial | July 25, 2023
Gaano man kahaba ang talumpati ng isang pangulo sa kanyang State of the Nation Address (SONA), wala itong kabuluhan kung hindi makatotohanan.
Masasabing ang magandang SONA ay hindi lang base sa magagandang salita o pinaghandaang presentasyon kundi nasa mismong nilalaman nito.
Isang SONA na hindi lang basta nagre-report o nagyayabang kundi naglalahad ng mga totoong nangyari o nangyayari sa bansa – good at bad.
Kung may mga proyekto o programang nailunsad na naging kapaki-pakinabang, 'ika nga eh, puwede namang i-flex. At kung may mga anomalya o kapalpakan, dapat ding ibulgar. Kung may mga nakitang kakulangan, kailangan itong ipabatid sa mamamayan.
Sa totoo lang, may mga kababayan tayo na hindi na interesadong manood o makinig ng SONA.
Para sa kanila, pagsasayang lang ng oras ang mapakinggan ang mga pagyayabang ng pangulo at masakit lang sa kalooban na makarinig ng mga pangako na napapako naman. Para sa iba, paulit-ulit lang ang sinasabi ng mga presidente 'pag nagso-SONA.
Pero, kung ang nilalaman ng SONA ay hindi lamang magandang balita kundi may 'ika nga'y mapait na katotohan, baka ganahan na ang lahat na makinig. Lalo na kung may bahagi ng pagbubulgar sa mga taga-gobyerno na tamad, korup at walang mabuting ambag sa lipunan.
Ibang-iba na ang panahon ngayon, hindi na uso ang pambobola, sana. Kung aminin man ng gobyerno na may mga naging problema at kakulangan, mas matatanggap naman ng mamamayan.
Sa pamamagitan nito, malalaman din ng publiko kung ano ang kailangang gawin para makatulong.
Mahirap nga naman mahikayat ang sambayanan na makiisa kung ang mga opisyal ay sige ang pabida kahit marami namang problema, kaya nga isang SONA na makatotohanan ang kailangan.



Comments