Tama na ang bangayan, kilos na para sa bayan
@Editorial | May 11, 2022
Nagpasya na ang nakararami, panahon na para naman magkaisa at ipagpatuloy ang pagharap sa pandemya at kahirapan.
Tapusin na ang away at paninira, kailangan na nating magpatuloy.
Batid naman natin sa halalan ay talagang may nananalo at natatalo. Sa huli, lahat pa rin tayo ang inaasahang mag-aangat sa bayan.
Ang ating mga ibinoto ay nariyan lamang sa puwesto para maging kinatawan. Tayo pa rin ang mas makapangyarihan. Anumang pasya na kanilang gagawin ay mula pa rin sa ating kagustuhan at mangyayari ‘yan kung patuloy tayong makikisangkot sa mga usapin sa ating pamahalaan.
Manatili tayong aktibo sa mga kaganapan at huwag mag-alinlangan na magbahagi ng ating saloobin.
Malayo na ang ating narating, marami na tayong krisis na napagdaanan at kapansin-pansin na lagi tayong pinagkakaisa ng mga pagsubok na ito. At ito rin ang ating gamitin para sa kabuuang kalagayan ng ating pamumuhay.
Kung paano tayo nagkaisa sa pagsuporta sa mga kandidato, sana’y ganu’n din ang ating gawin sa mga napiling lider. Maaaring pumuna kung may mali pero huwag din nating ipagkait ang pag-aambag ng talino, husay at kakayahan sa mga programa at proyekto na kanilang gagawin.
Hindi na ito usapin ng partidong kinabibilangan kundi ito’y para na sa kapakanan ng sambayanan.
Muli, pagbati sa mga bagong pinuno ng bayan, hangad namin ang patuloy na inyong kalakasan at talino para sa inyong paglilingkod.



Comments