Talino at galing ng kabataan, himukin na gamitin sa agrikultura

@Editorial | June 8, 2024

Sang-ayon tayo sa panukala na hikayatin ang mga kabataan na matuto ng pagsasaka at pangingisda.
Ayon sa isang mambabatas, maraming bagets sa ngayon ang walang trabaho, kaya’t naghain ng panukala upang gawing kaakit-akit sa kanila ang sektor ng agrikultura.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 180, magtatatag ng Young Farmers and Fisherfolk Challenge Program at Young Farmers and Fisherfolk Challenge Council. Layunin umano nitong mabigyan ng solusyon ang mga problema ng mga kabataan sa kanayunan at mahikayat sila na makibahagi sa mga programa para sa ikauunlad ng kanilang lugar.
Umaasa tayo na sa pamamagitan ng programa ay mahimok ang mga kabataan na kumuha ng mga kurso o mag-aral ng mga may kaugnayan sa agrikultura upang maging bahagi rin sa pagkakaroon ng seguridad sa pagkain at para wala nang gutom sa bansa.
Ang magiging benepisyaryo umano ng programa ay ang mga magsasaka at mangingisda mula edad 13 hanggang 30.
Kung magtatagumpay ang panukala, tiyak na muling magiging matatag ang sektor ng agrikultura. Hindi na tayo aasa sa pag-aangkat, sa halip ay mas mapagyayaman pa ang ating mga lupain at karagatan.
Masasabing hamon ito sa mga kabataan para maipamalas ang talino at galing sa larangan na maaaring malayo sa kanilang kinagisnang makabagong pamumuhay. Pero, puwede namang magamit ang kinawiwilihang teknolohiya sa agrikultura. Naniniwala tayo na makatutulong pa ito para sa mas mabilis na pag-unlad.



Comments