Talamak ang ilegal na paputok at torotot, ingat!
- BULGAR
- Dec 30, 2022
- 3 min read
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | December 30, 2022
Nagpalabas na ng kautusan ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) para sa 17 nilang regional offices na tugisin lahat ng ilegal na firecracker factories at mga establisimyento na magtitinda ng mga ipinagbabawal na paputok upang makaiwas sa disgrasya sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Noong nakaraang buwan lamang ay lima katao ang nasawi at apat pa ang nasugatan dahil sa pagsabog na naganap sa ilegal na pagawaan ng paputok sa Calamba, Laguna at may kahalintulad ding pangyayari sa Sta. Maria, Bulacan na sampu katao naman ang nasaktan.
Ang mga may-ari ng dalawang ilegal na gawaan ng paputok ay kapwa ng nahaharap sa kasong kriminal matapos makumpirmang pareho silang nagpapatakbo ng delikadong negosyo na walang permiso.
Dapat ang mga pabrika at mga tindahan ng paputok ay tumutugon sa probisyon ng Republic Act 7183 o ang The Act Regulating the Sale, Manufacturing, Distribution and Use of Firecrackers and other Pyrotechnic Devices.
Sa kasalukuyan ay may 61 lisensiyadong fireworks store at anim na lehitimong pabrika ng paputok sa Bocaue pa lamang na sa kasalukuyan ay responsable sa pagpapakalat ng legal na paputok.
Ang mga regulated na paputok na puwedeng bilhin ay ang Baby Rocket; Bawang; El Diablo; Paper Caps; Pulling of Strings; Sky Rocket (Kwitis); Small Trianggulo at iba pang klase ng firecrackers na hindi oversized, hindi overweight at hindi rin imported.
Ang mga pyrotechnic devices naman na pinapayagang ipagbili ng legal ay ang Butterfly; Fountain; Jumbo Regular at Special; Luces Mabuhay; Roman Candle; Sparkles; Trompillo; Whistle Device at Lahat ng klase ng pyrotechnic devices ( Pailaw).
Mahigpit namang ipinagbabawal ang Watusi; Piccolo; Poppop; Five Star; Pla-pla; Lolo Thunder; Giant Bawang; Giant Whistle Bomb; Atomic Bomb; Super Lolo; Atomic Triangle; Goodbye Bading; Large-size Judas Belt; Goodbye Philippines; Goodbye Delima; Bin Laden; Hello Columbia; Mother Rocket; Goodbye Napoles; Coke-in-Can; Super Yolanda; Pillbox; Mother Rocket; Boga; Kwiton at Kabasi.
Ipinagbabawal din ang lahat ng overweight, oversized firecrackers at pyrotechnic devices; lahat ng klase ng imported na paputok; lahat ng walang label na pyrotechnic devices at lahat ng klase ng firecrackers na may brand name na tulad ng mga ipinagbabawal.
Ang pagbebenta ng legal na firecrackers sa labas ng designated firecracker zone na itinalaga ng lokal na pamahalaan ay mariing ipinagbabawal at may nakalaan itong karampatang parusa sa batas bukod pa sa pagbawi sa mga biniling firecrackers.
Sadyang pangkaraniwan na yata na may naaaksidente na may kaugnayan sa paputok sa tuwing papalapit ang pagpapalit ng taon at ngayong papatapos ang taon ay hindi lamang nasaktan ang naitalang napahamak kung hindi marami na agad ang nasawi.
Kaya dapat mag-ingat ang lahat upang hindi tayo mapasama sa mga talaan ng mga naaksidenteng may kaugnayan sa paputok lalo pa at inaasahang nakapasok na sa mga pamilihan ang mga paputok, lalo na ang mga ipinagbabawal.
Alam ng mga manufacturer ng firecrackers na bago sumapit ang Disyembre ay magkakaroon na ng mga checkpoint sa lahat ng lagusan papasok sa mga bayan-bayan, kaya buwan pa lamang ng Oktubre ay naipasok na nila ang mga paputok.
Ibig sabihin nito ay hindi ligtas ang mga bata at iba pang mahal natin sa buhay na baka makagamit ng ipinagbabawal na paputok at madisgrasya o kaya'y tamaan ng lakas ng pagsabog kaya dapat lang na magdoble-ingat.
Ito rin ang dahilan kung bakit taun-taon ay may nalalasong mga bata sa watusi dahil palagi pa ring may nabibili sa mga tindahan kahit mariin na itong ipinagbabawal ng maykapangyarihan.
Isa pa sa dapat nating pag-ingatan ay pagbili ng torotot dahil may mga torotot na gawa sa kawayan ang mismong hinihipan na nilagyan ng manipis na lata para tumunog—ito ay napakadelikado sa bata dahil baka mahigop niya ang tinabas na lata.
Kasing nipis ng blade na pang-ahit ang tinabas na lata na inilalagay sa ihipan ng torotot na malaki ang posibilidad na mahigop ng isang bata na puwedeng sumugat sa kanyang lalamunan o tiyan at maging sanhi ng kanyang kamatayan.
Gayundin ang mga laruang torotot na gawa sa plastic, may mga tinabas na yero rin ang mismong ihipan nito para magsilbing dila na siyang nagpapatunog sa torotot na napakadelikado rin.
May mga torotot ding gawa sa plastic na wala ng tinabas na lata ngunit hindi umano dapat tangkilikin ang mga laruan na hindi sigurado kung ligtas dahil walang tatak at hindi rehistrado base pa sa Chemical Safety Campaigner ng EcoWaste.
Dapat umanong iwasan ng mga mamimili ang mga laruang nagtataglay ng hazardous chemicals, partikular ang mga painted toys na karaniwang isinusubo, tulad ng torotot.
Ang madalas na pagkalantad ng isang bata sa mga laruang nagtataglay ng hazardous chemicals ay nakaaapekto sa kanilang growth at development na nagreresulta pa sa lower intelligence quotient (IQ), poor school performance, reduced attention span at anti-social behavioral.
Kaya ingat dahil delikado talaga ang torotot at paputok!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com




Comments