Takot na takot, nagtatakbo palabas… VICE, 'DI KINAYA ANG MGA NATUKLASAN SA BAHAY NI ANGELINE
- BULGAR

- Feb 12, 2021
- 3 min read
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | February 12, 2021

Sa dami na ng na-house raid ni Vice Ganda na nasa YouTube channel niya ay kay Angeline Quinto lang siya sumablay dahil hindi niya kinaya kung ano ang nasa kuwarto nito.
Pinagpawisan nang malapot at nagtatakbong palabas ng subdivision si Vice hanggang kalsada kung saan siya pumara ng taxi at umalis.
Hindi kinaya ni Vice ang nakita sa loob ng branded bag ni Angeline na nasa tabi ng kama niya.
Inuna kasing pasukin ni Vice ang kuwarto ni Angeline para alamin kung anu-ano ang laman nito. Pinipigilan siya ng singer pero dedma ang una.
Akmang bubuksan ni Vice ang branded bag ni Angge nang biglang agawin ito sa kanya.
“'Wag mong papakialaman ‘to!” hiyaw ni Angeline at nag-agawan sila sa bag.
“Titingnan ko lang, masisira ang handle,” sabi naman ni Vice.
“Patingin lang ng wallet mo, wallet lang,” say ng TV host.
“Walang wallet ‘to,” sabi naman ng dalaga.
Hinawakan ni Vice sa leeg si Angge at itinulak sa kama, “Magpahinga ka d'yan,” sabay kuha sa bag.
“'Wag ate! Naku, bahala ka d’yan!” sabay bitaw nito sa bag.
Binuksan na ni Vice ang bag at napasigaw sa nakita at sabay hagis!
May natutulog na sawa sa loob ng bag ni Angge!
Sandaling napahinto si Vice at hindi nakagalaw samantalang tawa naman nang tawa si Angeline sa 'di kalayuan.
“Syet!” mahinang sabi ng TV host, “May ahas sa bag.”
“Sinabi ko na kasing ‘wag mong buksan. O, ano?” sabi naman ng dalaga.
“O, sige, sa ‘yo na,” sabay abot ni Angge ng bag kay Vice.
“No! Tatadyakan talaga kita!" sabi ulit ni Meme.
“Bakit may ahas sa bag?” diin ulit ni Vice na tulala pa rin, “nanghina ako (sabay mura), buti hindi ko nahawakan. Bakit inilalagay mo sa ano (bag)?”
“Para hindi halata, kaya nga nandoon,” katwiran ni Angeline.
“Uy, mabait naman ‘yun, ‘te,” sabi pa ng dalaga.
“Ano'ng mabait, hindi mo nga nakakausap. Wala namang utak ang ahas,” say ni Vice na papasok naman sa banyo ni Angge.
“Ayyy (sigaw ulit ni Vice)! Oh, my God! Ayokong pumasok sa banyo mo!” sumisigaw na sabi nito sabay alis.
“Ayaw ko na! Ayaw ko nang pumasok,” diin ni Vice habang pababa na ng hagdan at ipinakita ang Chuckie doll na nasa banyo ni Angeline na isa rin sa pinakakinatatakutan ng TV host.
Sinundan ni Angge si Vice na nakasandal sa dingding habang nakatayo sa hagdan sabay kuha sa Chuckie doll at inaabot sa kaibigan na nagtatakbo sa sala at napaupo na dahil nanlalambot na raw siya.
“Siguro, alam mong darating ako kaya ka naglagay ng ganyan,” tanong ni Vice kay Angeline.
“Hindi, alaga ko ‘yung ahas,” sambit naman nito. “Halika, itu-tour na kita.”
“Hindi na, ikukuwento ko na lang sa kanila ang laman ng bahay mo. Itu-tweet ko na lang. Stress ako, ‘day! Ano ba ‘yun! Daytime ha, pati kilikili ko tuloy, nagpawis! Ayaw ko ng ganito (sabay pakita ng mga kamay na pawis din). Ayaw ko talaga ng mga manyika at ahas-ahas na 'yan,” sambit ng TV host-vlogger.
Dagdag pa, “Na-playtime victim tayo. Na-ishaprank tayo!”
Biglang napatayo si Vice dahil nakita niyang bitbit ni Angeline ang bag na may lamang ahas na talagang naghabulan na sila hanggang sa labas ng bahay at nasukol siya sa may parking dahil mga aso naman ang nakapalibot sa kanya.
Hanggang nakalabas na ng gate si Vice na naghihiyaw at habul-habol pa rin siya ni Angeline na naka-paa lang.
“Naku, marereklamo ka ng homeowners,” sabi ni Vice kay Angge.
“Dito ka lang, hinihingal na ako,” say ng dalaga.
Hanggang sa naghabulan na ang dalawa at nakarating na ng guard house at doon nagpaikut-ikot at sabay labas na ng subdivision ng dalawa hanggang nakarating si Vice sa main road na nakita na ang itinatayong MRT sa Commonwealth Avenue.
Ang disclaimer ni Vice, “Malayo ang mga tao sa labas habang naghahabulan kami. Pasensiya na po, nawala sa isip ko na mag-face mask dahil sobrang panic ang mga vakla.”
Sumakay ng taxi si Vice pero ilang minuto ay bumalik din kina Angeline at may dalang face mask dahil naroon ang sasakyan niya.
“Pawis na pawis ako, teka, hindi ako makahinga. Pawis na pawis ako, okray ka (sabi kay Angeline). Tama na ito, lapot na lapot ako. Gusto ko nang umuwi, Angeline, matutulog ako, magpapamasahe ako, magpapahinga. 'Kaloka, na-victim tayo (sabay tingin sa camera). Flopey ang house raid! May pa-manika, may pa-ahas, may pa-aso. G*go!” sabi ni Vice.
At nang makasakay na ng van, “Na-haggard ako sa pagtakbo. Takot na takot ako kasi na-realize ko, wala akong mask, baka mahuli tayo ng pulis kaya buti na lang, nakabalik tayo. Sa mga nakakapanood nito, pasensiya na po kung tumakbo akong walang mask. It’s not intentional. Sorry sa mga magagalit, stressed ako, hindi ko na naisip. Uuwi na ako, pagod na pagod ako, maliligo na ako,” say ni Vice.
Winner ang episode na ito ni Angeline dahil almost 5M views na at umabot sa 13K plus ang comments na sinasabing 'best house raid ever'.





Comments