top of page

Takot matulad sa mga kapatid na nahiwalay sa asawa kaya ayaw magpakasal

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 19, 2021
  • 2 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| June 19, 2021



Dear Maestro,

Isinilang ako noong May 2, 1991, compatible ba kami ng aking boyfriend na isinilang noong January 7, 1992 at kami na ba ang magkakatuluyan? Madalas nang may nangyayari sa amin at gusto niyang magpakasal na kami bago ako mabuntis. Sa ngayon, hindi naman ako nag-aalala o kinakabahan dahil hindi naman nade-delay ang monthly period ko.

Ang iniisip ko kasi, kung talagang compatible kami, kapag pinakasalan ko siya at nagsama kami ay wala akong pagsisisihan. Ayaw ko kasing matulad ako sa nangyari sa mga kapatid ko na pagkatapos ikasal ay naghiwalay din sila. Sana ay masagot n’yo agad ang liham kong ito dahil madalas akong pinipilit ng boyfriend ko na magpakasal, pero ako ang nagdadalawang-isip. Siya na ba talaga ang lalaking katakada sa aking kapalaran?


Umaasa,

Bhea ng Santa Ana, San Mateo, Rizal

Dear Bhea,

Dahil ikaw na ang niyayayang magpakasal ng boyfriend mo, ibig sabihin ay dalisay ang hangarin niya sa iyo, habang ikaw na hindi pa sigurado gayung sabi mo nga ay madalas nang may nangyayari sa inyo at 30 na ang edad mo sa kasalukuyan.


Kunsabagay, may katwiran ka rin naman na kung magpapakasal at mahihiwalay din lang, sayang ang handa, seremonya at papeles sa kasal na hindi basta-basta napawawalang-bisa. Para bang ang lumalabas nito ay naninigurado ka lang na kung sino ang pakakasalan mo ay siya na nga ang lalaking makakasama mo habambuhay.


Salamat na lang, sapagkat halos ganu’n nga ang posibleng maganap dahil ang zodiac sign mong Taurus ay sadya namang compatible sa zodiac sign na Capricorn ng boyfriend mo. Habang sa Numerology ay ganundin, ang birth date mong 2 ay compatible o tugma sa birth date niyang 7.

Samakatuwid, dapat pumayag ka na sa kasal na alok ng boyfriend mo dahil ang mga numero at zodiac sign ang kumumpirma na compatible kayo at kapag kayo ang nagsama, may pangako ng panghabambuhay, maunlad at maligayang pag-aasawa.


Habang, ayon sa iyong Love Calendar, magandang mag-asawa sa taong 2022 hanggang 2023, sa buwan ng Mayo hanggang Hulyo o Oktubre hanggang Disyembre. Kung sa panahong nabanggit kayo magpapakasal, makakasiguro kayo ng isang maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page