top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Takbo na, laban na!

BULGAR
Oct 17, 2021
3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 17, 2021


Napansin n'yo ba na karamihan sa mga nakalaban at kinalaban ng Pangulo mula simula ng kanyang administrasyon ay mga babae, tulad nina Senatora Leila de Lima; Chief Justice Maria Lourdes Sereno; Sr. Pat Fox; Maria Ressa at marami pang iba?


Ngunit sa kabila nito, hindi nabahala o natakot ang mga babaeng binastos, minura at pinaratangan ng Pangulo. Imbes na panghinaan ng loob ang mga ito, lalo silang nanindigan laban sa bastos, hindi makatao at walang respeto sa karapatang-pantao na pananaw at pag-uugali ng Pangulo.


Ngayon lang tayo nagkaroon ng ganitong Pangulo na kayang bastusin, insultuhin at murahin ang sinumang babaeng naisin nito.


Maliban sa kababaihan, marami pang nasira at nabawasan ang dangal at integridad sa nagdaang limang taon, tulad ng ating soberanya; ang ating sistema ng katarungan; ang ating kapaligiran, ang Inang Kalikasan; ang malaya at matinong pamamahayag; ang kasaysayan ng mga tunay na bayani at martir na unti-unting nilalamon ng kasaysayan ng mga huwad o pekeng bayani at martir; ang demokrasya na isinasalamin ng ating Saligang-Batas; ang malinis, mapayapa at matinong paglilingkod ng mga lalaking naka-uniporme (pulis at sundalo); ang maayos at malinis na pag-iingat at paggamit sa kaban ng bayan lalung-lalo na sa panahon ng kagipitan at panganib, tulad ng kasalukuyang pandemya; ang paggalang sa relihiyon at ng mga kasapi nito, tulad ng Simbahang-Katolika, at napakarami pang iba.


Napakaraming nasira at nabawasan ang dangal at integridad. Ngayon nating masasabing sirang-sira at sugatang-sugatan na ang ating bansa. Kailangang-kailangan natin ang mga mamumunong hindi lang hihilom sa mga sugat ng ating bansa, kundi may kakayahang ibalik ang dangal at integridad nito. Kailangang-kailangan natin ang mga namumuno na malinis sa loob at labas ng kanilang pagkatao dahil hindi mababaw at simple ang paghihilom, pagbubuo at pagtutuwid na kinakailangang gawin sa at para sa ating bansa.


Nang nagpahayag ng pagtakbo si Leni Robredo noong ika-7 ng Oktubre, “Lalaban Tayo” ang panawagan nito. At noon ding araw na 'yun ay nagdagsaan ang nakasuot ng rosas o pink. Nasaan na ang dilaw? Nasaan na ang Dilawan? Pinagtaksilan ba ni Leni ang kanyang sariling partido? Ano nga ba ang ibig sabihin ng kulay rosas o pink?


May isinulat si Anna Cristina Tuazon tungkol kay Maria Ressa. Aniya, ang pagtamo ni Maria Ressa ng Nobel Peace Prize ay lumampas, pumaimbabaw sa anumang kulay: “... Why Maria Ressa won goes beyond color lines and beyond Philippine politics… Maria Ressa is fighting for a belief — a belief that truth and facts must be protected. Her fight goes beyond this administration as multiple governments around the world have been using similar tactics of using troll farms and fake news to render facts irrelevant and to silence genuine discourse. It requires much less thinking to se Ressa only as a color. It is a lot more difficult to take the time to understand her principles and why people recognize her as a vanguard of truth.” (Philippine Daily Inquirer, October 13, 2021, P A9).


Lumalaban si Maria Ressa para sa kanyang paniniwala. Hindi lang ang ating pamahalaan ang kanyang binabantayan, kundi ang napakaraming pamahalaan na gumagamit ng troll farms at fake news para sirain ang totoong datos at totoong pag-uusap.


Kaya’t nais nating muling tumakbo, nais nating lumaban din… Para sa kandidatong may lalim, lawak at layo ng pananaw, para sa kandidatong nauunawaan ang "long view".


Magkita-kita tayo sa Linggo para sa paglulunsad ng Healthy Pink Sundays Run… Takbo Na, Laban Na.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page